Laro Ngayon (Araneta Coliseum) 7 p.m. San Miguel Beer vs Barangay Ginebra
MATAPOS na paghatian ang unang apat na laro sa kanilang best-of-five semifinals series, handa na ang defending champion San Miguel Beermen at Barangay Ginebra Kings sa kanilang do-or-die Game 5 para sa puwesto sa 2016 PBA Governors’ Cup Finals.
At tulad ng iba pang do-or-die match, makikita ngayon kung sino ang mas desidido at determinado sa Beermen at Gin Kings na makausad sa kanilang bakbakan ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Inaasahan din na magiging pukpukan ang salpukan ng dalawang koponan na siguradong itotodo ang buong lakas sa huling laro ng kanilang serye na sinundan ng halos 23,000 manonood sa Game 4 sa Big Dome noong Linggo.
At mas maraming manonood ang inaasahan sa Game 5 ngayong gabi kung saan karamihan sa mga ito ay siguradong mga Ginebra diehard fans na umaasang magiging ‘sixth man’ para sa Gin Kings na hangad patalsikin sa kanilang trono ang Beermen.
At dahil sa matinding suporta ng mga Ginebra fans, nangako si coach Tim Cone na lalaban sila para sa mga ito sa rubber match.
“Such a beautiful crowd (in Game 4), yet we fell flat on our faces. We’re sorry to let the fans down. They were great even if we were not,” sabi ni Cone. “But we will pick ourselves up and fight for the fans in Game 5. We will make them proud.”
Kumpiyansa naman si San Miguel Beer coach Leo Austria na kaya nilang talunin ang Barangay Ginebra at manatiling nakatutok sa pagkubra ng ikaapat na korona sa huling anim na kumperensiya.
“The key is to hold down their three key players in Justin Brownlee, LA Tenorio and Japeth Aguilar,” sabi ni Austria. “We’re able to neutralize one of them (Aguilar) in Game Four at malaki ang naitulong noon sa resulta ng game.”
Ipinakita ng Beermen ang pusong kampeon nito matapos durugin sa Game Four ang Gin Kings, 101-72, para itulak ang sudden death game.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

