Unang kampeonato sa PSL target ng Cignal HD Spikers
DALAWANG beses naging bridesmaid subalit hindi naging bride.
Ito ang pilit na puputulin ng Cignal HD Spikers na siyang kinukunsidera bilang paborito na mag-uuwi sa titulo ng 2016 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix na magsisimula sa Oktubre 8 sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.
Ito ay matapos magsagawa ng matinding pagbabago sa koponan ang HD Spikers na inaasahang dodominahin ang torneo sa pagbabalik ng dating Most Valuable Player (MVP) na si Venus Bernal at pagkuha kina Janine Marciano, Mylene Paat, Stephanie Mercado, Lourdes Patillano at ang Filipino-American setter na si Shawna-Lei Santos.
Ang HD Spikers ay susuportahan ng 6-foot-5 open spiker na si Laura Schaudt mula Estados Unidos at Lynda Morales, na nanguna sa Puerto Rico national women’s team sa pagsabak sa kakatapos lamang na Rio de Janeiro Olympics.
Gayunman, inaasahang magiging maigting ang labanan para sa korona ng Grand Prix.
Ito ay dahil nagpalakas din ang kasalukuyang kampeon na Foton sa pagkuha kay 6-foot-3 Dindin Manabat upang samahan ang kapatid na si 6-foot-5 Jaja Santiago, Maika Ortiz at Angeli Araneta sa depensa kasama ang nakaraang taon na MVP na si Lindsay Stalzer at Ariel Usher para idepensa ng Tornadoes ang kanilang korona.
Ang beteranong Serbian coach na si Moro Branislav ang hahawak sa koponan kapalit ni Fabio Menta ng Italy.
Hindi naman magpapatalo ang F2 Logistics, RC Cola-Army, Generika at Petron.
Ang Cargo Movers ay pamumunuan muli nina Aby Maraño, Cha Cruz, Mika Reyes, Ara Galang at Kim Fajardo at ang bumubuo sa UAAP champion De La Salle University kasama na rin sina Djanel Cheng at Janine Navarro na kapwa binitbit ang College of St. Benilde sa titulo ng NCAA.
Gayunman, hindi pa makapagdesisyon ang koponan kung sino ang kukunin bilang import sa pagitan nina Sydney Kemper, Nicole Walch, McKenzie Adams at Melissa Toth.
Ang RC Cola-Army ay nanatili sa dati nitong komposisyon nina Tina Salak, Rachel Anne Daquis, Jovelyn Gonzaga, Honey Royse Tubino, Nene Bautista at Jennie Delos Reyes. Ang dating US juniors national team member na si Kierra Holst at Hailie Ripley ang kanilang magiging import.
“All teams have obviously upgraded their respective rosters,” sabi ni PSL president Ramon Suzara, na isang mataas na opisyales ng Asian Volleyball Confederation at International Volleyball Federation. “But it’s still a very balanced field. As we see in the previous conferences, strength on paper alone wouldn’t be enough to bring home the crown.”
Ang Generika ay makakasama ang dating Trinidad and Tobago national team member Darlene Ramdin at Ukrainian na si Polina Liutikova para samahan sina Rubie de Leon, Chloe Cortez, Ria Meneses, Gen Casugod at Shaya Adorador.
Nakatutok naman ang iba sa Petron na bibitbitin ng high-flying na si Stephanie Niemer, na kinukunsidera ngayon sa liga bilang most explosive import sa pre-season at makakasama ang 6-foot-5 middle blocker Serena Warner para patibayin sina Aiza Maizo-Pontillas, Frances Molina, Jen Reyes at Bang Pineda.
“The preparation of every team is very intense. Everybody wants to gain advantage,” sabi lamang ni PSL chairman Philip Ella Juico. “We are looking forward to a lot of long rallies, five-set matches and another successful staging of this tournament.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.