Bagong buwis hindi palulusutin ng Kamara
Leifbilly Begas - Bandera September 29, 2016 - 04:49 PM
Hindi umano palulusutin ng Kamara de Representantes ang reporma sa buwis na magpapahirap sa kalagayan ng ordinaryong Filipino.
Iginiit ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hindi magsisilbing rubber stamp ng Malacanang ang Kamara de Representantes.
“Yung Kongreso, yung House of Representatives pala, hindi po ito magiging rubber-stamp ng administrasyon. I said before na rest assured na kami po ay magiging always on the side of the people. Hindi po natin papayagan na itong mga ganitong panukala ay aming palulusutin dito sa House of Representatives,” ani Alvarez.
Bahagi ng panukala na isinumite ng Department of Finance sa Kamara ang pagtataas ng buwis na ipinapataw sa produktong petrolyo at pag-alis ng 12 porsyentong Value Added Tax exemption ng mga senior citizen.
Sinabi ni Alvarez na tinignan na niya ang panukala at napansin niya na wala rung nakasaad upang mapaganda ang pangongolekta ng buwis.
“Wala namang provision doon na mag-a-address doon sa efficiency doon sa tax collection. Dapat bigyan din natin ng ano… tutukan din natin iyan dahil maraming nasasayang, marami ring nakaka-evade ng tamang pagbayad ng buwis. Wala akong nakitang probisyon na ganoon,” dagdag pa ni Alvarez.
Ayon kay Alvarez ang mga cash register ng mga commercial establishment ay dapat naka-link na sa Bureau of Internal Revenue upang hindi madaya ang babayaran nitong buwis.
“Even yung mga importations, dapat iyan sa Bureau of Customs, naka-link din iyan doon sa system ng BIR para to make sure na nako-collect na natin yung tamang buwis. Para doon pa lang ay hindi na natin kailangan pang dagdagan yung mga taxes na binabayad ng ating mga kababayan.”
Ang pagdaragdag ng pinapatawan ng buwis ay ipinanukala ng DoF upang mabawi ang mawawalang kita rito sa pagbabagong gagawin sa personal income tax kung saan walang buwis na babayaran ang mga kumikita ng P250,000 pababa kada taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending