PH chess squads muling nagdomina sa 42nd World Chess Olympiad
MATINDING paglalaro ang ipinakita ng Philippine men’s team sa pagbabalik ni Grandmaster Julio Catalino Sadorra sa pagbigo sa South Africa, 3.5-0.5, para umakyat sa ika-23 puwesto matapos ang ikalimang round ng 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.
Bahagyang nagkaproblema nang ma-ospital si Sadorra matapos maglaro sa Round 2 dahil sa pananakit ng ulo bago na ito nakabalik Lunes ng gabi upang pamunuan ang PH men’s team sa pagbigo kay GM Kenny Solomon sa Nimzo-Indian Defense sa pagtatapos ng 62 moves sa Board 1.
Tinalo naman nina GM Eugene Torre at Rogelio Barcenilla, Jr. ang mga International Master na sina Watu Kobese at Donovan Van den Heever sa Board 3 at 4 habang nakipaghatian sa puntos si GM John Paul Gomez laban kay IM Daniel Cawdery sa Board 2 upang kumpletuhin ang ikaapat na panalo ng koponan.
Mas matindi naman ang itiinalang panalo ng women’s team na binubuo nina WIM Janelle mae Frayna, Jan Jodilyn Fronda at Catherine Secopito pati si WFM Shanian Mae Mendoza na winalis ang Algeria sa mga panalo kontra kina WIM Sabrina Latreche, Amina Mezioud, Amira Hamza at Hayat Toubal.
Ang kasalukuyang women’s national champion at tumapos na ikalima sa ginanap na World Juniors sa India na si Frayna ang pinaka-impresibo sa koponan bunga ng kanyang walang talong rekord sa pagtipon ng 3.5 puntos sa dalawang panalo at tatlong draws kabilang ang laban kontra Nana Dzagnidze ng Georgia at Harika Dronavalli ng India, na kapwa bitibit ang men’s GM titles.
Ang 19-anyos na Far Eastern University Psychology cum laude candidate na si Frayna ay asam din makuha ang kanyang ikatlo at huling norm para itala sa kasaysayan bilang kauna-unahang Pilipinang Woman Grandmaster.
Ang torneo, na may 11-round Swiss System format, ay magpapahinga ng isang araw bago muling magsimula ngayong hapon.
Makakasagupa naman nina Sadorra at 53rd seed PH men’s squad ang 12th seed Norway, na kasalukuyang pinamumunuan ni defending world champion GM Magnus Carlsen sa ikaanim na round.
Makakatapat naman ng 46th seed PH women’s team, na nakapagtipon ng kabuuang 13 puntos para umagat sa ika-27 pangkalahatang puwesto, ang 57th seed Mexico na bitbit naman ang kabuuang 14 puntos.
“It will be tougher the last six rounds so the team should take advantage of the break,” sabi ni GM Jayson Gonzales, ang National Chess Federation of the Philippines (NCFP) executive director at women team captain.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.