Male singer inirereklamo ng show producer, laging tulala…ayaw magsalita
KONTING-KONTI na lang at namumuro na ang isang kilalang male performer sa isang grupo ng mga show promoters. Kundi lang siya talaga ang hinihiling ng mga kabataan sa maraming probinsiya dahil sa husay niyang mag-perform, tawasin man ang grupo ay hinding-hindi na siya kukunin ng mga ito, deadma na sana sila sa male personality.
Mahirap daw kasing dalhin ang male performer, ginawa silang manghuhula ng lalaking ito, dahil hindi nila malaman ang saloobin ng kanilang entertainer. Hindi palakibo ang popular na performer, basta nakatingin lang siya, pero hindi naman siya maituturing na tulaley.
Kuwento ng aming source, “Kung siya ang makakasama mo sa biyahe, e, siguradong matutuyuan ka ng laway dahil wala kang makakausap. Hindi naman siya pipi, pero bakit nga ba ganu’n ang male singer na ‘yun?
“Meron naman siyang bibig, nakakakita naman siya at nakakarinig, pero bakit nga ba ganu’n siya? Kahit ang PA niya, e, hindi kinakausap ni ____ (pangalan ng magaling na male performer)! “Nakakatiis siyang may nakasumpal lang sa tenga niya, listen lang siya nang listen sa music, ganu’n lang ang trip niya kesehodang walong oras siyang bumibiyahe.
“Kaya kung gusto mo ng katahimikan nang mahabang panahon, e, isabay mo sa biyahe ang lalaking ‘yun na hindi naman ipinanganak na pipi, pero para siyang pipi sa lahat ng oras,” tawa nang tawang kuwento ng aming source.
Pero naman, kapag nakasalang na siya sa entablado ay parang ayaw naman niyang tumigil sa kakakanta, parang binili niya na ang mikropono dahil ayaw niyang tumigil kahit tapos na ang oras niya. Buhay na buhay ang audience kapag siya na ang nakasalang sa stage.
“Naku, Bradly Guevarra, magaling talaga siya, pero kapag hindi siya kumikibo, e, parang ang sarap-sarap niyang hampasin ng kininis na kawayan,” pagbibigay ng clue ng aming impormante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.