Sylvia kay Kim: Marespeto siya, parang bata...laging bungisngis | Bandera

Sylvia kay Kim: Marespeto siya, parang bata…laging bungisngis

Reggee Bonoan |August 27,2016
facebook
share this

Sylvia kay Kim: Marespeto siya, parang bata…laging bungisngis

Reggee Bonoan - August 27, 2016 - 12:20 AM

kim chiu at sylvia sanchez

APAT na araw na palang hindi natutulog si Sylvia Sanchez dahil sunud-sunod ang taping niya para sa seryeng The Greatest Love at sa episode ng Maalaala Mo Kaya kasama si Kim Chiu.

Kaya pala ang kulit-kulit ni Ibyang noong Huwebes ng umaga at tinanong namin kung bakit siya hyper dahil kung anik-anik ang pinagpopo-post niya sa Facebook.

“Kasi hyper dahil pang-apat na araw na wala akong tulog dahil everyday taping, di makatulog nalipasan ng tulog kaya makulit. Ha-hahahaha!” ang tumatawang sagot ng aktres. Sabay sabing, “Two hours lang tulog ko lagi.”

Hirit namin, paano siya makakatulog, e, tinuhog pala niya ang The Greatest Love at MMK. Kaya pinayuhan namin ang aktres na uminom ng gatas para makaidlip maski paano. Samantala, sobrang bumilib si Ibyang kay Kim Chiu na unang beses niyang makatrabaho sa MMK. Ipalalabas na tonight ang nasabing episode.

Ayon sa award-winning actress, “First time kong makasama, mabait at respectful. Parang bata, bungisngis, masayahin.” Sinang-ayunan namin ang paglalarawan ni Sylvia kay Kim dahil simula nu’ng lumabas siya sa PBB house 10 taon na ang nakararaan ay hindi pa rin siya nagbago at hindi rin nakalilimot.

Palagi rin siyang bumabati o bumebeso kapag nasasalubong namin maski saan at sabay magtatanong ng, “Kamusta ka naman?” bagay na hindi ginagawa ng maraming artista. Going back to Sylvia, hindi pa rin niya alam kung kailan eere ang seryeng The Greatest Love dahil wala pa raw sinasabi sa kanya ang management.

“Sabi lang this September, pero walang petsang sinabi at oras. Basta kaming lahat ,taping lang nang taping,” sagot ni Ibyang. Ang The Greatest Love raw ang papalit sa Tubig At Langis na magtatapos na, pero may nagsabi ring baka ito ang ilalagay sa timeslot bago mag-TV Patrol.

“Hindi ko talaga alam, maraming nagtatanong nga, wala talaga akong alam, bahala ang management kung anong timeslot kami ilalagay basta kami susunod lang,” sabi ng aktres. Sa tanong kung kinakabahan si Sylvia sa nalalapit na pag-ere ng pagbibidahan niyang serye.

“Oo. Ha-hahaha! Noon, hindi ko nararamdaman ang kaba dahil ayaw kong ma-pressure, pero ngayong ipalalabas na, ngayon ko naramdaman lahat!” pag-amin ng aktres.

Bigla tuloy namin naalala ang sinabi ni Mylene Dizon na kaya ayaw niyang magkaroon ng teleseryeng siya ang bida ay dahil ayaw niyang siya ang masisi kapag hindi nag-rate pero kung open naman daw ang network na hindi numbers ang pagbabasehan ay okay na okay sa kanyang tumanggap ng lead role.

Samantala, may narinig naman kaming tsika mula sa isang taga-Dos na posibleng iere ang serye nina Ibyang bago mag-TV Patrol at ang Minute To Win It ang papalit sa timeslot ng Tubig At Langis.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending