Chavit pabor sa muling pagboboksing ni Pacman
SA dinner invitation ni ex-Gov. Chavit Singson through his publicist, Ms. Aster Amoyo ay hiningan siya ng komento kung payag siyang lumaban ulit si Sen. Manny Pacquaio sa darating na Nobyembre sa Las Vegas, Nevada.
Nagpahayag na kasi noon ang Pambansang Kamao na hindi na siya lalaban ulit at sa pagsisilbi na lang sa bayan ang magiging konsentrasyon niya, pero heto at nakatakda na pala uli siyang sumabak sa bakbakan.
Ang paliwanag ni Manong Chavit, “Mas maraming di hamak na gustong lumaban siya, eh. Nangako nga siya pero mas maraming may gustong lumaban pa siya hindi lang dito sa Pilipinas, kundi sa buong mundo at puwede naman nating ipagmalaki ang nagawa ni Manny sa ating bansa, nakilala naman ang Pilipinas dahil sa kanya.
“So, ‘yung mga nagsasabi ng negative sa kanya, mga naiinggit lang, walang magawa, naninira, merong ganu’n, eh,” aniya pa. Knows ng gobernador ang makakalaban ni Manny na si WBO welterweight champion Jessie Vargas.
“Oo, kailangan ‘yung pinakamagaling ang ilaban nila para kumita ang sponsors. Lahat ng ilalaban sa kanya (Pacman) magaling din, hindi puwedeng hindi,” saad pa ng dating governor.
Isa ba si Manny Paquiao sa magiging hurado sa 2017 Miss Universe beauty pageant na gaganapin dito sa Pilipinas? “Ewan ko lang, hindi ko alam kung sino ang mga kukuning judges para sa Miss Universe, nasa organizers ‘yan.”
At kung sakaling kumita raw si Manong Chavit sa malilikom niyang sponsors para sa Miss U ay magiging transparent siya sa lahat ng gastos dahil ibibigay niya ito sa charities. Samantala, tinanong din kung bakit lihim daw ang pagkikita nina Gov. Chavit at 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach dahil wala raw nasulat o coverage na ginanap.
“Hindi naman, ano lang nagkita kami kasi part siya ng Miss Universe, siya ang magte-turnover kasi (ng korona). Okay naman si Pia, nakikipag-coordinate kasi lahat ng sabihin ng Miss Universe sa kanya, ginagawa niya.
“Ako nakikipag-coordinate sa mga sponsors pero Miss Universe pa rin ang magpapatakbo kasi buong mundo ‘yan. Continuous naman ang meeting at hindi naman itinago ‘yun, pag nag-meeting ang Miss Universe kasama si Pia,” pahayag pa ni Manong Chavit.
Nagandahan ba si Gov. Singson kay Pia? “E, siyempre Miss Universe, eh. Maganda naman talaga si Pia, puwedeng ipagmalaki sa buong mundo.” Samantala, tuloy na tuloy na ang public service program cum travel show na ipo-produce at iho-host ni Manong Chavit, ang Happy Life.
Hinahanapan na lang daw ito ng timeslot sa isang TV network. Ayaw pang sabihin ng dating governor kung sa GMA 7 o ABS-CBN ito ipalalabas. Ang pinaka-objective raw ng Happy Life ay matulungan ang mga mahihirap nating kababayan, lalo na ang mga magsasaka na hikahos sa buhay, “I want to give them reward na house and lot. ‘Yung mga deserving talaga.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.