LOOKS like we’ve seen the last of Marqus Blakely.
Sayang! Kasi magaling siya at nakatulong din naman sa Star Hotshots. Nabigyan niya ng kampeonato ang koponan bilang Purefoods at naparangalan bilang Best import.
May isang conference nga na para sa mas matatangkad na imports pero dahil sa wala pang makuha ang Star ay siya muna ang pinalaro. Kahit na 6-foot-5 lang siya ay nagawa niyang makipagbugbugan sa mas matatangkad na kalaban.
Pero sadyang tumatanda naman ang lahat at nauubusan din ng lakas. Nanghihina at bumabagal.
Tila ganyan ang nangyari kay Blakely.
Katunayan, nang paratingin siya ni Star coach Jason Webb ay may mga senyales na wala siya sa kundisyon. Inamin naman ni Blakely na dahil sa tagal ng kanyang pagkakabakante ay bumigat siya. At nang magbawas siya ng timbang upang paghandaan ang pagpunta sa Pilipinas, parang nabago ang kanyang metabolism.
Dahil doon ay hindi na naglululundag si Blakely. May mga breakaway plays nga kung saan ang inaasahan ng coaching staff at ng mga fans ay magsasagawa siya ng slam dunk pero sa halip ay layup o kaya ay ipapasa niya ang bola.
May mga puntong iuutos sa kanya ni Webb na tauhin ang kapwa niya import pero ikakatuwiran niya na may tatlong fouls na siya. Para bang ayaw niya na makikitang ilalampaso siya ng kalabang import sakaling one-on-one sila.
May isang instance na tinawagan siya ni Webb upang sabihin na pinupuri ng karamihan si Arizona Reid ng San Miguel Beer pero ipinagkibit balikat lang niya ito. E Best Import din naman siya. Hinahanap ni Webb na ma-challenge si Blakely pero hindi nangyari.
At nitong huli ay kumalat ang mga balitang ginagabi raw si Blakely dahil sa naglalamyerda sa night spots.
So, humina na nga ang laro ni Blakely ay may iba pa siyang pinagkakaabalahan. Kaya tuloy hindi niya maibuhos ang hinihingi sa kanya.
Hayun at pinauwi nga siya bago ang All-Star Weekend ng PBA. Kinuhang kapalit na import ng Hotshots si Joel Dwayne Wright. Umaasa si Webb na mababago ang kapalaran ng Hotshots sa pagdating ng import na ito.
Ani Webb ay importanteng magpalit sila ngayon dahil sa ang mga makakalaban nila ay pawang nasa ibaba rin ng standings. Sakaling magtabla sila ay kailangang nakakaangat sila sa quotient.
Well, sa season na ito, dalawang datihang imports na ang pinalitan ng Star. Sa nakaraang Commissioner’s Cup ay pinauwi rin ng Hotshots si Denzel Bowles na tila lumipas na ang buti. Kinuha ng Hotshots si Ricardo Ratliff at muntik na silang umabot sa semifinal round.
Kumbaga ay change for the better naman ang nangyari. Si Ratliff sana ang paglalaruin ng Star sa Governors’ Cup pero hindi pala eligible sa Star ang 6-foot-9 na import. So balik 6-foot-5 ang Hotshots.
Sana nga lang ay maayos ang kundisyon at okay ang maging kontribusyon ni Wright sa Hotshots para hindi nila pagsisihan ang pagsibak kay Blakely.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.