Foton, F2 Logistics sisimulan ang PSL All-Filipino Finals duel
Mga Laro Ngayon
(The Arena)
4 p.m. RC Cola-Army vs Petron (Battle for Third)
6 p.m. Foton vs F2 Logistics (Game One, Finals)
NAKASALALAY sa pinakapuso ng koponan na siyang magsasagawa ng taktika at estratehiya ang sagupaan ng 2015 Grand Prix champion Foton Tornadoes at uhaw sa korona na F2 Logistics Cargo Movers sa pagsisimula ng best-of-three finals ng 2016 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ito ang inaasahan sa tampok na salpukan matapos lamang ang matira-matibay na isang larong sagupaan para sa ikatlong puwesto sa pagitan ng RC Cola-Army at Petron Tri Activ sa ganap na alas-4 ng hapon bago ang sagupaan sa pagitan ng Tornadoes at Cargo Movers sa ganap na alas-6 ng gabi.
Pamumunuan ni Kim Fajardo ang taktika ng Cargo Movers para sa inaasam na pinakaunang titulo sa torneo habang inaasahan naman na sasandigan ng Tornadoes ang beterano rin na si Rhea Dimaculangan para sa ilalatag nitong istratehiya sa pagnanais mauwi ang ikalawang sunod na korona.
Kinukunsidera ngayon bilang pinakamagaling na setter sa bansa si Fajardo lalo na noong tukuyin ito ng opisyales ng internasyonal na asosasyon ng FIVB na nagsagawa ng apat na araw na setting seminar. Gayunman, hindi naman nalalayo si Dimaculangan.
“It will depend on the ability of the setter, on how they will perform,” sabi lamang ni Generika coach Francis Vicente.
Gayunman, nahahati ang mga pinagpipitagan na mga coaches kung sino sa dalawang koponan ang kanilang kakampihan para sa korona.
Matatandaang tinalo ng Cargo Movers sa unang paghaharap nito ang Foton, 25-11, 25-23 at 25-14. Gayunman, bumawi ang Tornadoes sa ikalawang round sa iskor na 19-25, 25-20, 25-23 at 25-19 para ipalasap ang nag-iisang kabiguan ng Cargo Movers sa torneo.
Subalit tila mas naging hamon ang kabiguan sa Cargo Movers na agad nagpakita ng matinding lakas sa semifinals matapos nitong hubaran ng korona ang nagtatanggol na kampeong Petron Tri-Activ sa loob ng tatlong set upang muling lumapit sa pinakaaasam nitong kauna-unahang korona.
“We’re more focused and concentrated because we haven’t tasted any title outside the UAAP and other collegiate leagues. I hope this will be it. We’re hungry to win,” sabi ni F2 Logistics coach Ramil de Jesus na isa sa paborito sa torneo matapos bitbitin ang mga dating miyembro ng La Salle na nagwagi sa UAAP women’s volleyball.
Sapul na sumali sa liga ay kinapos ang koponan ni De Jesus sa target. Tumapos ito na ikaapat bilang AirAsia noong 2014 All-Filipino Conference, first runner-up bilang Generika sa 2014 Grand Prix at first runner-up bilang Shopinas noong 2015 All-Filipino Conference.
Matapos naman makalasap ng kabiguan ay umarangkada ang Tornadoes sa pagtutulungan nina Jaja Santiago, Angeli Araneta at Maika Ortiz katulong sina EJ Laure, Cherry Rondina at Patty Orendain.
“We’re peaking at the right time,” sabi ni Foton coach Villet Ponce-de Leon, na siya ring hahawak sa pambansang koponan na sasabak sa AVC Asian Women’s Club Championship sa Biñan City sa
Setyembre 3 hanggang 11.
“I just hope we can sustain the momentum and carry it to the finals. F2 Logistics is such a young and dangerous team. We have to deliver our best effort to overcome them,” sabi pa nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.