TINIYAK ni Transportation Secretary Arthur Tugade na hindi magpapatupad ng pagtaas sa pamasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) hanggat hindi nasasaayos ang serbisyo ng public transport.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Tugade na sinabihan na niya ang kanyang mga tao na hindi katanggap-tanggap ang anumang dagdag pasahe.
“Any increase must be predicated on enhanced quality services,” sabi ni Tugade sa pagdinig ng Senate committee on public services na pinapangunahan ni Senator Grace Poe.
Ito’y bilang reaksyon matapos kuwestiyunin ni Senate Minority Leader Ralph Recto ang ulat kaugnay ng 10 porsiyentong dagdag pasahe para sa mga pasahero ng LRT.
“Wala ho kaming planong ganyan. Yun nga ho yung sinasabi ko na lalabas ho kaming katawa-tawa na mag re-rate increase ka na ang serbisyo mo ay hindi naman maganda. Katawa tawa ho tayo dyan,” giit ni Tugade.
Sinabi ni Tugade na tutol din siya sa pagtataas ng toll fee.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.