RAMDAM na ramdam ng mga Pinoy ang pagiging seryoso ni Pangulong Duterte sa kanyang paglaban sa ipinagbabawal na gamot.
May mga nagulat ng maglabas si Duterte ng mga pangalan ng sinasabi niyang may koneksyon sa operasyon ng ipinagbabawal na gamot.
Inuna niya ang mga heneral ng Philippine National Police. Tapos ngayon ay ang mga politiko.
Hindi ito gagawin ng ibang pulitiko lalo at wala namang ginagawa sa kanila. Takot kasi sila na mabalikan.
Pwede rin na magsama-sama ang mga aawayin nila at problema ito sa susunod na eleksyon. May mga tao pa naman na parang “magsasaka” o yung nagtatanim ng galit.
Pero si Duterte walang pakialam.
Siya lang ang alam kong pangulo na naglabas ng ganito karaming pangalan ng mga tao na alam niyang sasama ang loob sa kanya.
Sa halip na hayaan ang Department of Justice na mag-imbestiga at kasuhan ang mga taong ito, si Duterte na ang naglabas sa publiko. Kaya walang makapalag, magpaliwanag lang ang magagawa nila.
May mga natuwa sa ginawang ito ni Duterte. Kasi alam nila na totoo ang alegasyong ito.
Naniniwala ang marami na mayroong basehan si Duterte kaya pinangalanan niya ang mga ito.
Yun nga lang umangal si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pitong judge na kanyang pinangalanan.
Sabi ni Sereno sa pitong judge na pinangalanan, isa ang sinibak na sa serbisyo, isa ang patay na, ang isa at nagretiro na at ang tatlo ay hindi humahawak ng kasong may kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot.
Maliwanag para sa marami na totoo si Duterte na gusto niyang maglingkod at linisin ang gobyerno ng mga tiwala at ang prayoridad ay ang mga sabit sa ipinagbabawal na gamot.
Hindi rin umano sasabihin ni Duterte ang mga pangalan sa publiko kung mayroon siyang duda sa listahan.
Kaya kung nagkamali si Duterte sa mga pangalan, malamang mayroong nagkamali sa mga nagbigay sa kanya ng impormasyon.
Baka umano kulang sa counter check kaya mayroong mga pangalan na lumusot na hindi naman dapat naroon (kung totoo man na hindi sila sabit).
Pero sinabi ni Duterte na kahit na patay na, hindi ibig sabihin ay hindi na nila ginawa— na hindi na sila sumabit sa operasyon ng iligal na droga.
Maraming namamatay na mga adik. Marami pa rin naman sila pero malaki na ang nabawas sa kanilang populasyon.
Kahit na marami ang namamatay, kokonti ang umaangal.
Maging ang pamilya ng mga namatay ay alam na sangkot ang mga ito. Masakit lang sa kanila kasi pinatay. Sino nga ba naman ang hindi masasaktan na mamatayan. Yung namamatay nga sa natural cause ay nakakasakit ng damdamin yung patayin pa kaya?
Ang kawawa rito ay ang mga tao na napagkamalan lang.
Wala namang kinalaman sa droga pero napatay.
At hindi naman din maiaalis na baka mayroong sinasabitan ng karton na may nakasulat na ‘pusher wag tularan’ para lamang pagtakpan ang tunay na motibo sa pagpatay sa kanila.
Dalawa ang ‘uso’ ngayon. Pinatay ng vigilante o napatay sa encounter ng pulis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.