DALAWANG papausbong na boxer mula sa bayan ng 8-division world champion Manny Pacquiao sa General Santos City ang sasabak sa undercard ng “The Road to Glory” boxing promotion sa Agosto 13 umpisa alas-2 na hapon sa Makati Cinema Square Boxing Arena sa Makati City.
Dayo mang maituturing sa Makati ay nangako naman sina Ryan “The Fire Fist” Lumacad at dating Philippine Boxing Federation super bantamweight champion Jelbirth Gomera na magpapakita sila ng gilas lalo pa’t kalilipat lang nila sa Highland Boxing Stable ng La Trinidad, Benguet.
Makakasagupa ng wala pang talong si Lumacad (10-0-1, 5 KOs) si Julius “The Rock” Bala (4-3-0, 2 KOs) ng Alvarez Gym sa anim na rounds sa 119-lb division.
Sa kanyang huling laban, ang 24-taong gulang na dating boxer ng MP Davao Boxing Gym ay nagwagi ng unanimous decision laban kay Jetly Purisima noong Nobyembre 13 sa Philippine Navy Gymnasium ng Bonifacio Naval Station sa Taguig City.
Noong 2014, si Bala ay humirit ng dalawang knockout wins laban kina Robin Dingcong (1st round) at Arnel Caoctoy (2nd round) ngunit hindi siya lumaban sa taong 2015.
Bumalik lamang siya sa ring noong Hunyo 10, 2016 pero binigo siya ni Edward Mansito sa second round sa Mandaluyong City.
“Sa tingin ko, kulang lang sa ensayo si Bala noong nakalaban niya si Mancito. Malamang na paghahandaan na niya ngayon si Lumacad,” sabi ng promoter na si Brico Santig.
Gayunman, desidido si Lumacad na mapanatili ang malinis na kartada lalo pa’t una niyang laban ito sa ilalim ng Highland Boxing Stable.
“Gagawin ko ang aking makakaya upang manalo dahil gusto kong maging isang kampeon dito sa Highland,” sinabi ni Lumacad.
Makakasasupa naman ni Gomera (10-1-0, 5 KOs) si Pablito Canada (4-10-2, 1 KO) ng MP Boxing Gym-Manila sa anim na rounds sa 122-lb division.
Parehong silang natalo sa kanilang huling laban at pangako ni Gomera na babawi siya sa labang ito. —Lito delos Reyes
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.