MAY panahon na ang mga Pilipino ay tinitingala sa mundo ng amateur boxing.
Pero mula nang manalo ng pilak si Mansueto “Onyok” Velasco Jr. noong 1996 Atlanta Olympics ay hindi na nanalo ng medalya ang mga minsang kinakatakutang Pinoy boxers sa kada-apat na taong palaro.
Kahapon sa 2016 Rio Olympics ay maagang natapos ang kampanya ng Pilipinas sa boxing nang mabigo si Rogen Ladon sa unang laban nito sa men’s light flyweight division (46-49kg).
Ang 22-anyos na si Ladon ay nabiyayaan ng bye sa unang round at nangailangan na lamang siya ng dalawang panalo upang makapasok sa semifinal round at makasiguro ng tansong medalya.
Ngunit agad na naglaho ang pangarap niyang umuwi na parang isang bayani sa bayan niya sa Bago City, Negros Occidental nang mabigo siya kay Yurberjen Herney Martinez ng Colombia sa iskor na 3-0 (29-28, 30-27 at 29-28) kahapon.
Noong Linggo ay una nang nalaglag si Charly Suarez sa lightweight division nang matalo siya ng split-decision sa reigning European champion na si Joseph Cordino ng Great Britain.
Sina Ladon at Suarez lamang ang tanging mga Pinoy na nag-qualify para sa Rio Olympics.
May natitira pang pitong atleta ng Pilipinas na may misyong madagdagan ang pilak na medalyang napanalunan ng weightlifter na si Hidilyn Diaz nitong Lunes.
Ang iba pa Pinoy na sasabak sa kompetisyon ay ang judoka na si Kodo Nakano sa 81kg division; swimmer Jasmine Alkhaldi sa women’s 100m freestyle; golfer Miguel Tabuena; Mary Joy Tabal sa women’s marathon; Eric Shauwn Cray sa 400m hurdles; Marestella Torrs sa long jump; at taekwondo jin na si Kirstie Elaine Alora sa +67 kg.
Bukod kina Ladon at Suarez ay nabigo rin sa kani-kanilang kampanya sina Ian Lariba sa table tennis, swimmer Jessie Khing Lacuna sa men’s 400m freestyle at Nestor Colonia sa men’s weightlifting. —Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.