Robin tumutulong nang walang nakatutok na camera
NAPAKASUWERTE ng namayapang direktor na si Deo J. Fajardo, Jr. sa pagkakaroon ng isang alagang tulad ni Robin Padilla. Maraming personalidad na kapag iba na ang manager ay hindi na nililingap ang dating namamahala sa kanilang career.
Pero iba si Robin Padilla. Mula nang madiskubre siya ni Dikong Deo, hanggang sa pinakahuling sandali ng buhay ng direktor, ay nandiyan lang siya. Nang magkasakit ang direktor ay si Robin ang sumasagot sa lahat-lahat ng gastos, kung ano ang kailangan ni Dikong Deo ay walang dalawang pag-iisip na nagpapadala agad ng pangtustos si Binoe, hanggang sa pinakahuling sandali ay hindi nawala sa tabi ng direktor ang kanyang alaga.
Bibihira na ang artistang tulad ni Robin ngayon, maraming personalidad na madaling makalimot, ke babata pa pero tinatamaan na agad sila ng amnesia. Kaya naman lalo pang binibiyayaan ang action star, panay-panay ang mga ahensiyang kumukuha ng kanyang serbisyo para mag-endorso ng mga panglalaking produkto, maganda kasi ang kanyang imahe dahil sa hindi niya paglimot sa mga taong naging dahilan ng kanyang tagumpay bilang artista.
Bukas na bukas ang palad ni Robin Padilla sa pagtulong sa mga nangangailangan at ginagawa niya ‘yun nang walang nakatutok na camera. Hindi siya naghihintay ng anumang kapalit, bukal sa puso ang kanyang pagtulong, kaya binibiyayaan siya ng kapalaran ng higit pa sa kanyang pangangailangan.
Ang taos-puso po naming pakikidalamhati sa mga iniwan ni Direk Deo J. Fajardo, Jr.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.