Lariba, Lacuna, Suarez sibak agad sa Rio Olympics | Bandera

Lariba, Lacuna, Suarez sibak agad sa Rio Olympics

Angelito Oredo - August 07, 2016 - 07:53 PM

TATLONG sunod na kabiguan ang bumulaga sa delegasyon ng Pilipinas matapos na magkakasunod na napatalsik ang tatlong Pilipinong atleta na sumabak sa unang araw ng kompetisyon tungo sa nakakadismayang pagsisimula ng 13-atletang kalahok sa ginaganap na 2016 Rio Olympic Games.

Ibinigay lahat ng pinakaunang table tennis player ng bansa na nakatuntong sa Olimpiada na si Ian Lariba ang buong kakayahan subalit kinulang tungo sa pagkalasap ng apat na set na kabiguan kontra sa naturalized na si Han Xing ng Congo sa mga iskor na 11-7, 13-11, 11-9, 11-7, sa laban na ginanap sa Riocentro Pavilion 3.

Napuwersa pa ng 21-anyos na si Lariba na itabla ang iskor sa 7-all sa unang set na nagtagal ng pitong minuto subalit umatake ang orihinal na Chinese na si Han upang itala ang limang sunod na puntos para sa 11-7. Naitabla rin ni Lariba ang iskor sa 11-all sa ikalawang set subalit agad na pumalo ng dalawang puntos si Han para itakas ang panalo sa ikalawang set, 11-13.

Nagpilit pa na maghabol si Lariba sa huling dalawang set kung saan nakalamang pa ito ng apat na puntos, 4-0, sa ikatlong set na umabot ng siyam na minuto subalit sadyang mas matatag ang Congolese sa panghuling puntusan upang agad mapatalsik. Umabot ang ikaapat na set sa pitong minuto.

“Dikit lamang po sana kung hindi lang sa endgame. Nararamdaman ko pa rin po ang matinding tensiyon pati na ang pressure. Ibang-iba po talaga ang labanan dito sa Olympics,” sabi ng 21-anyos na si Lariba na nasa kanyang unang paglahok sa kada apat na taong Olimpiada.

“I need to do better with my self-control and how to overcome this level of competition. But I enjoyed every moment I was on the court,” sabi pa nito.  “There were moments that I felt holding back my shots. Pigil pa. I know I can do it but there are things that are lacking still. I learned a lot here and I will bring home this experience.”

Si Han ay ranked 125 sa buong mundo habang si Lariba ay ika-297.

“Magsasanay pa po ako ng husto para maabot ko ang matinding labanan dito sa Olympics,” sabi lamang ni Lariba, na nakatuon sa pagrerepresenta sa bansa sa 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Tumapos naman ang beterano sa London Olympics na si Jessie Khing Lacuna na ikaanim na puwesto sa pitong lumangoy sa heat 2 ng men’s 400-meter freestyle sa isinumiteng oras na 3:55.34 na malayo sa kailangan na unang pinakamabilis na walo. Itinala ni Conor Dwyner ng USA ang best time na 3:43.42.

Huling nakalasap ng kabiguan ang 27-anyos na si Charly Suarez sa una nitong laban pa lamang kontra kay Joseph Cordina ng Great Britain sa iskor na 2-1 sa men’s lightweight division. Unang nanalo sa Round 1 si Suarez sa iskor na 29-28 subalit napabayaan nito ang huling dalawang round na napunta kay Cordina sa mga iskor na 28-29 at 27-30 upang iwanan ang nalalabing pag-asang makamedalya kay light flyweight Rogen Ladon.

Dahil sa tatlong sunod na kabiguan ay naiwan na lamang sa natitirang 10 miyembro ng delegasyon ang hangarin na maputol ang 92 taong tagtuyot sa gintong medalya sapul na sumali noong 1924. Huling nag-uwi ng medalyang pilak si Mansueto “Onyok” Velasco 20 taon na ang nakalipas sa pagsabak nito sa Atlanta Olympics.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending