Romeo, Ahanmisi, Guevarra bumida sa 2016 PBA All-Star Skills Challenge
NAIPAGTANGGOL ni Globalport Batang Pier guard Terrence Romeo ang kanyang titulo bilang 3-point Shootout King habang inagaw ni Maverick Ahanmisi ng Rain Or Shine ang korona sa Obstacle Challenge sa isinasagawang PBA All-Star Weekend Skills Challenge kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ipinasok ni Romeo ang kabuuang 20 puntos sa final round upang talunin sina KG Canaleta ng Mahindra Enforcers na nagkasya lamang sa 17 puntos at RJ Jazul ng Alaska Aces na mayroon din 17 puntos.
Unang itinala ni Canaleta ang 25 puntos sa eliminasyon na sinundan ni Romeo na may 25 puntos. Ikatlo si Jazul na may 22. Hindi naman nakapasok sa finals sina Jayjay Helterbrand (20), Jared Dillinger (20), Garvo Lanete (20), Simon Enciso (9), Jeff Chan (14), Alex Cabagnot (11), James Yap (19) at Troy Rosario (16).
Itinala naman ni Ahanmisi ang pinakamabilis na 32.95 segundo upang lampasan ang lahat ng mga nakaharang upang tanghaling bagong Obstacle Challenge champion.
Huling nagwagi ng titulo si Jeric Fortuna subalit maaga itong napatalsik sa labanan.
Samantala, naipagtanggol din ni Rey Guevarra ng Meralco Bolts ang kanyang titulo sa ikatlong sunod na taon matapos muling tanghaling Slam Dunk King.
Umiskor si Guevarra ng perpektong 50 puntos at 47 puntos sa dalawang round na kampeonato upang tipunin ang kabuuang 97 puntos para iuwi ang titulo.
Nagkasya naman si Newsome sa 46 puntos at 50 sa ikalawa nitong dunk.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.