NOONG 2010 tinukoy ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga lugar na itinuturing na high risk zones na pinamumugaran ng mga pirata na siya namang dinaraanan ng ating mga seafarers.
Ito ay ginawa dahil na nga sa mataas na bilang ng piracy sa Gulf of Aden.
Ayon kay Captain Ronaldo Enrile, Vice President for Operations ng Philippine Transmarine Carriers (PTC) at Vice-Chairman ng Angkla Partylist, dapat ay nililinaw na agad ng mga manning agency sa mga marino bago pa sila pumirma ng kontrata na maaaring dumaan sa peligrosong mga lugar ang barkong kanilang sasakyan.
Aabisuhan na ang mga ito bago pa papirmahin ng kontrata; pamimiliin kung tatanggapin ito o hindi.
Tanong ng Bantay OCW kay Enrile, paano kung kahit alam pa ng marino na dadaan talaga ang barkong sinasakyan ngunit bigla itong “kinabog” o kinabahan at ayaw na niyang tumuloy. Gusto na niyang bumaba at hihilinging mag-eeroplano na lamang siya upang maiwasan ang peligrosong daraanan, anong maaaring gawin? Pwede kaya iyon?
Sabi ni Enrile hindi raw pwede ang ganon. Dahil inabisuhan na siya bago pa siya pinasakay ng barko at bago pa ang pirmahan ng kontrata. Hindi na maaaring umatras.
Ngunit kung talagang hindi na ito mapigilan pa habang naglalayag ang barko, gagawa ng paraan ang kaniyang manning agency na pababain na lamang ito, hahanapan ng kapalit at bibigyan ng kaniyang plane ticket pauwi.
Pero, pananagutin naman ang marino, kung sakali man, may epektong idudulot ang kanyang pag-alis.
Maaaring pagbayarin din siya sa perwisyo at abalang idinulot sa pagkabalam ng biyahe ng barko.
Dagdag pa ni Enrile, sa bawat oras at araw na naaantala ang biyahe ng barko, pumapatak din ang metro nito.
Ibig sabihin malaking halaga ang maaaring mawala sa principal ng barko at maaaaring panagutin nito ang seafarer na sanhi ng pagkabalam kahit sabihin pang hindi rin naman nila kagustuhang kabahan o kabugin habang papalapit na sa mga high risk zones na tinatawag.
Mas pinaikli na rin ang paglalayag ng ating mga seafarer. Mula sa walong buwan ay apat na buwan na lamang. Pinakamatagal na ang 10 buwan kung sakaling hinilingan pa itong mag-extend dahil wala pa siyang kapalit.
Hindi maaaring humigit sa isang taon o 12 buwan na nasa barko ang isang marino.
Mas maikli naman para sa mga naitalaga sa offshore. Apat na buwan lamang ang maximum nilang pananatili doon. Mas masusi at pokus ang trabaho nila kung kaya’t hindi rin nila kakayanin ng mga ito kung tatagal pa sila doon.
Panawagan ni Enrile sa mga kapamilya, sana magagandang mga balita ang natatanggap ng mga seafarer mula sa kanila dahil malaki ang epekto nito sa kanilang trabaho.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.