Immigration officers dawit sa human trafficking
SA ilalim ng Duterte administration, higit pang pinaiigting ang kampanya laban sa ilegal na pagpupuslit ng ating mga kababayan, lalo na ng mga kababaihan at kabataan, palabas ng bansa.
Sa panayam ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer, sinabi ni Atty. Antonette Mangrobang, tagapagsalita ng Bureau of Immigration, na pinaiimbestigahan na ni Commissioner Jaime Morente ang naturang mga opisyal na maaaring sangkot sa human trafficking patungong South Korea matapos silang ma-deport dahil sa kasong overstaying doon.
Wala raw kapatawaran para sa sinumang opisyal ng bureau na nakikipagkutsabahan sa mga human trafficker, ayon sa komisyuner.
At hindi nga raw siya mangingiming lapatan sila ng mabigat na kaparusahan.
Dagdag pa ni Mangrobang, kaagad inalis ni Morente ang mga immigration officer sa kanilang airport counter duties at kumpiskado pati na ang kanilang mga immigration stamps.
Napag-alamang nagtungo muna sa Hongkong ang naturang mga Pinay bilang turista at saka lamang inilagay ang kanilang Korean entertainer’s visa sa kanilang mga pasaporte sa kanilang stopover sa Hongkong.
Nagtrabaho sila bilang mga singer sa isang night club sa South Korea at pina-deport matapos mahuling ilegal na ang kanilang pananatili doon.
Sabi pa ni Mangrobang, hindi lamang ngayon nangyayari ang ganoong insidente.
Nakilala at natumbok na sila ang mga immigration officers na nagpalusot noon sa ating mga kababayan dahil sa kanilang immigration stamps na itinatak sa mga pasaporte ng naturang mga Pinay.
Bukod dito, merong tatlong pinaghihinalaang illegal recruiters naman ang nahuli kamakailan sa Ninoy Aquino Internation Airport (NAIA) habang escort ang limang biktima nito sa NAIA patungong Dubai.
Umamin ang mga Pinay na ni-recruit sila ng kanilang escort upang magtrabaho sa isang parlor sa Dubai ngunit hindi na sila dumaan sa tamang proseso at aalis bilang mga turista.
Pinaiimbestigahan na rin ang immigration officer na nagpalusot sa naturang mga Pinay patungong Dubai.
Dahil nga sa kabi-kabilang mga ilegal na gawain diyan sa Immigration, ipinag-utos na rin ng bagong hepe rito ang reshuffle sa kanilang mga tauhan.
Mga ilang taon na ang nakararaan, isang kababayan natin patungong Dubai gamit ang visit visa at hindi pinayagang makaalis ng isang immigration officer.
Nakiusap nang husto si kabayan na payagan na lamang siyang makaalis at dahil dito, pinapirma umano siya ng opisyal ng isang promissory note na bibigyan niya ito ng P30,000 sa kaniyang pagbabalik.
Panawagan ni Mangrobang sa publiko, huwag matakot na ireklamo ang mga tiwaling opisyal ng BI at nakahanda silang dinggin ang mga iyon at papanagutin ang mga may sala.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.