Peace talks may pag-asa pa | Bandera

Peace talks may pag-asa pa

Arlyn Dela Cruz |August 02,2016
facebook
share this

Peace talks may pag-asa pa

Arlyn Dela Cruz - August 02, 2016 - 12:10 AM

NASAYANG nga ba ang pagkakataon na maisulong ang isang tunay, makabuluhan at pangmatagalang kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Communist Party of the Philippines/New People’s Army at National Democratic Front?

May nagsasabing “oo, nasayang na ang isang ginintuang pagkakataon” dahil sa mga nangyari nitong mga nakalipas na araw.

Ano nga uli ang nangyari? Eto ang pagkakasunod-sunod

*Nagdeklara ng unilateral ceasefire si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (Sona) na sinagot naman ng NDF sa pamamagitan nina Luis Jalandoni at Jose Maria Sison na katanggap-tanggap ito.

* Tinambangan ang tropa ng Cafgu ng NPA sa Davao Del Norte, nagalit si Duterte at nagbantang babawiin ang ceasefire.

* Ayon kay Jalandon “seryosong-seryoso” ang CPP-NPA sa paghahanap ng kapayapan at iimbistigahan nila kung ano ang nangyari sa Davao del Norte.

* Nagbigay ng ultimatum si Duterte na magdeklara ang CPP-NPA ng kanilang ceasefire, na sinagot ni Sison na hindi maaaring diktahan kahit ng pangulo pa ang isang rebolusyunaryong puwersa na tulad ng CPP-NPA.

* Pinalawig ang deadline; lumampas ang deadline na walang ceasefire na idineklara ang rebeldeng grupo.

* Binawi ang ceasefire na idineklara ng pangulo Sabado ng gabi, sumagot naman ang NDF na handa naman silang magdeklara ng ceasefire alas-8 ng gabi ring iyon; binawi na ang operational guidelines sa Duterte declared ceasefire, at ang CPP-NPA-NDF, handang ituloy ang deklarasyon ng ceasefire sa ika-20 ng Agosto na.

Dahil sa pagbawi, pumosisyon, tumindig sa kung ano ang taal na kalagayan. Gobyerno bilang gobyerno at ang rebolusyunaryong grupo, bilang isang rebolusyunaryong grupo.

Hindi mo aasahan na ang pamahalaan, higit na ang pangulo ay titiklop sa isang rebolusyunaryong grupo kahit pa nauunawaan niya ang pinagmulan ng nasabing pakikibaka.

Hindi rin maasahan na yuyukod ang CPP-NPA-NDF sa pamahalaan na hindi nito kinikilala.

May isang magandang bagay ang hindi pa binabawi: ang pagkakakasundo na muling mag-usap ng pormal ang dalawang grupo sa na gagawin sa Oslo, Norway sa ika-20 ng Agosto.

Habang hindi ito binabawi, may pag-asa pa ang ang usapang pangkapayapaan na magbibigay ng isang makatotohanan, makatarungan at makabuluhang kapayapaan na titigil sa higit limang dekadang armadong tunggalian na kumitil na ng buhay ng napakarami, sa panig ng mga rebede, ng mga sundalo ng pamahalaan at lalung-lalo na sa hanay ng mga sibilyan. The cost of an internal conflict cannot be measured.

Sa kanyang unang Sona, nailatag ni Duterte ang kanyang malalim na pang-unawa sa kung ano ang paulit-ulit na kuwento ng kamatayan at pighati.

Para tuluyang maisulong ang usapang pangkapayapaan na ang inaasahang dulo ay pagkakasundo, ang mga susunod na hakbang ay dapat na magmula muli sa pangulo.

Higit na mataas ang inaasahan sa panig ng pamahalaan lalo na sa pangulong nag-alok ng kapayapaan, na gagawin nito ang lahat ng paraan para magkaroon ng katuparan ang minimithi ng maraming mamamayan lalo na sa mga kanayunan.

Ang pagkakataon na maisulong ang usapang pangkapayapaan ay totoong nasa balikat ng magkabilang panig.

Ngunit ang giya at direksiyon ay nasa panig ng pangulo. Nasa sa kanya rin ang katuparan nito kung patuloy na iaabot ang kamay nang pakikipagkasundo para sa pinakamamimithing kapayapaan.

Kakalas lamang ang pag-asa sa pagsusulong ng kapayapaan kung ganap na kakalas sa puntong ito si Pangulong Duterte.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ngunit hanggang hindi pa, hanggang bukas pa ang pinto, nananatili ang dakilang pagkakataon para sa kapayapaan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending