Foton, PSL All-Stars mapapasabak sa AVC at FIVB
INAASAHANG mapapasabak ang Foton Pilipinas at binubuong Philippine Superliga (PSL) All-Star Team sa pagsabak sa isasagawang dalawang internasyonal na torneo sa bansa na 2016 Asian Women’s Club Championship at FIVB Women’s World Club Championships.
Ito ay dahil sa pagkumpirma ng partisipasyon ng matitinding manlalaro at koponan sa 2016 Asian Women’s Club Championship sa Biñan, Laguna sa Setyembre 3-11 at 2016 FIVB Women’s World Club Championships na gaganapin sa Oktubre 18-23 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Isa na rito ang paglahok ng Japan na pinamumunuan ni Sarina Koga at kinabibilangang NEC Red Rockets, ang 2015 Japan Volleyball League Champions, na siyang magrerepresenta sa 2016 Asian Women’s Club Championship na gaganapin sa Alonte Sports Complex sa Biñan, Laguna.
Ang Foton Pilipinas ang sasabak sa ika-17 edisyon ng Asian Women’s Club Volleyball Championship kung saan kasama nito sa Pool A ang Vietnam at Hong Kong. Nasa Pool B ang defending champion Thailand, North Korea at Iran. Nasa Pool C ang Japan, Kazakhstan at Indonesia.
Magkakasama naman sa Pool D ang China, Chinese Taipei, Malaysia at Turkmenistan.
Ang Hisamitsu Springs, na siyang 2016 Japan Volleyball League champion, ang lalahok naman sa FIVB Women’s World Club Championships kung saan sasabak ang PSL All-Stars na kinabibilangan ng pitong hindi pa nakikilalang import at sina Juvelyn Gonzaga, Rachel Ann Daquis, Kim Fajardo, Jen Reyes, Jaja Santiago at Frances Molina.
Ang PSL All-Stars ay napunta sa Pool A matapos ang isinagawang drawing of lots kasama ang European champion Pomi Casalmaggiore-Italy, South American powerhouse Rexona Ades-Brazil at Eczacibasi VitrA Istanbul-Turkey.
Unang makakasagupa ng PSL All-Stars ang Brazilians sa opening day kasunod ang Italians sa Oktubre 20 at ang Turkish squad sa Oktubre 21.
Sasabak naman sa Pool B ang Asian powerhouse teams Bangkok Glass-Thailand at Hisamitsu Springs-Japan gayundin ang VakifBank Istanbul-Turkey at Volero Zurich.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.