SA Western Region lamang ng Saudi Arabia, may 289 tayong mga kababayan na nakakulong. Malaki ang bilang ng mga sangkot sa droga at lantarang paglalantad ng pagiging homosexual.
Kung papansinin, hindi iyon work related. Walang kinalaman sa kanilang mga trabaho ang mga kasong isinampa sa kanila, Masasabi na mga kaso ito na sila mismo ang pumili o ginusto nilang pasukin.
Ito ang problema ng ating mga OFW sa ibang bansa. Sa halip na mag-pokus lamang sa kanilang mga trabaho na siyang dahilan kung bakit sila umalis ng Pilipinas, naeengganyo silang patulan pa ang ilang mga ilegal na gawain.
Tulad na lamang ng usapin sa droga, kung hindi gumagamit, nagututulak naman sila. Siyempre may pera nga naman, kaya puwedeng mag-bisyo.
Sa simula ginagawa nila iyon upang masapatan lamang ang kanilang bisyo, ngunit sa bandang huli, nahihirati na sila sa malaking perang kinikita.
Kapag droga ang dahilan nang pagkakulong ng isang OFW, tiyak na wala ni katiting na tulong silang maaasahan mula sa administrasyong Duterte.
Kung dito nga sa Pilipinas, nililimas na ang mga durugista at sangkot sa mga bentahan ng ilegal na droga, tiyak namang hahayaan ni Pangulong Rody Duterte na pagdusahan ng ating mga kababayan ang kanilang mga maling gawain, kahit pa makulong ang mga iyon nang habambuhay.
Mas masakit niyan ay kung nandon sila sa bansa na nagpapatupad ng death penalty, at mahatulan sila ng kamatayan dahil sa kaso sa droga.
Isa pang maigting na ipinagbabawal sa Saudi ay ang paglaladlad.
Hindi pupuwedeng lantarang aastang babae ang isang lalaki at ipangangalandakan niyang bakla siya.
May isang Pinoy tayo doon na nagsuot pambabae, naka-make up at naka-high heels pa. Kaya nang nahuli siya, tuloy agad sa kulungan ang tinaguriang “half-Filipino at half Filipina”.
Kaya naman paalala ng ating mga opisyal ng embahada na sumunod sa mga batas ng mga bansang kinaroroonan nila.
Palaging may katumbas na kabayaran at kaparusahan ang pagsuway sa mga batas na ipinatutupad sa bawat bansa.
Magsimula muna sa sariling bayan. Kung sa sariling bansa natin, hindi nila kayang sumunod, tiyak na hindi rin sila susunod pagdating sa ibayong dagat.
At kung patuloy nilang gagawin iyan, tiyak namang mahuhuli at mahuhuli rin sila. Mababalewala ang lahat ng kanilang mga pinaghirapan sa abroad bukod pa sa kahihiyan at sama ng loob na idudulot nila sa pamilyang nagtiis din na mawalay sa ating mga OFW ng matagal na panahon.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM Mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.