NABASA ko ang JICA 2015 study tungkol sa tumitinding pasanin ng mahihirap na pamilya sa National Capital Region.
Dahil sa araw-araw na “carmageddon” at pagod kulang na sila ng oras para sa pamilya, habang 20 porsiyento ng kanilang kita ay napupunta lang sa pamasahe.
Sa ngayon, hindi bababa sa P42 kada araw ang gastos ng isang commuter. One way pa lang iyon. Habang ang travel time ay halos 80 minuto o halog isa’t kalahating oras.
Pinalubha pa ang mga ito ng kapalpakan ng public transport services, kawalan ng connectivity at paiba-ibang pamasahe ng gobyerno.
Ang masakit, pagda-ting daw ng 2030 kung hindi maayos ang umiiral ngayong siksikan sa Metro Manila, ang pamasahe ay posibleng tumaas ng 2.5 times o aabot na sa P105 (one way).
Ayon sa JICA, umaabot na sa 2.5M ang mga sasakyan dito sa Metro Manila pero hindi naman nadadagdagan ang mga kalye. Tapos andiyan pa ang air pollution at carbon emission na ibinubuga ng mga sasakyan.
Kaya naman umaasa tayong lahat sa “short-medium-long term” solutions ng Duterte administration. At isa sa nakikitang madaling gawin ay ang pagpapalakas ng riles sa Metro Manila, hindi lamang ang pagmamadali sa bagong MRT7 mula San Jose del Monte hanggang SM common station at ang koneksyon dito ng Cavite at Antipolo sa LRT1 at LRT2 kasama na ang improvement ng MRT3.
Pero, isang napansin ko ay ang magandang rekomendasyon ng JICA na magkaroon tayo ng mga “cargo at freight trains” sa riles ng PNR. Ang “train operations” ay 90 porsiyento na mas malinis ang carbon emission kaysa mahigit 100,000 mga trailer at cargo trucks sa NCR.
Marami talagang pakinabang kung pagbubutihin natin ang mga riles ng tren at serbisyo ng PNR. Isipin niyo ang mga mababawasang polusyon ng mga trailer at cargo trucks na ito, bukod pa sa luluwag ang traffic sa EDSA, Roxas blvd at buong NCR.
Ayon sa aking “bulong boys”, may proyekto ang PNR para sa “locomotive and freight trains” na bibiyahe mula ICTSI-Philippine Ports Authority (PPA) sa Tondo, hanggang Calamba, Laguna .
Ibig sabihin ang libu-libong mga cargo ng trailer trucks ay isasakay sa tren at hindi na maglalabas-masok sa Maynila papunta at pa-labas ng pier. Hindi na rin wawasakin ng mga trak ang mga kalye ng Maynila at Caloocan.
Sana nga hanggang Bulacan umabot ang riles ng freight trains para mas malawak. Gaganda rin ang mga “commuter trains” sa PNR. Meron ding plano na gawing “commuter friendly” ang lahat ng “rail intersections” sa NCR para sa mga sasakyan ay kaligtasan ng mga pedestrians. Idagdag pa nating improvement ang bago at mas murang “hybrid commuter train” ng DOST na pwedeng magsakay ng 220 katao sa limang coaches bawat biyahe .
Kung ako nga ang masusunod, dapat ay merong bagong “superhighway” sa ibabaw ng PNR railway line, lalo pat wala itong problema ng “right of way”, mula Tutuban hanggang Southern Tagalog. Hindi mo na kailangang mag-EDSA. Sana nga, matuloy lahat ng ito at ang “public transport system” ay maayos para gumaan naman ang buhay nating commuters.
Mabilis na biyahe, murang pamasahe. Sana hindi madribol sa opisina ng maingay at puro “talkies” na si Transportation Sec. Arturo Tugade.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.