NOONG Huwebes ay inabisuhan ang mga miyembro ng Malacañang Press Corps (MPC) na may ihahayag si Pangulong Duterte kung saan hindi naman masasabing monologue ito dahil inimbitahan niya ang isang reporter ng government-run station na PTV-4 at hinayaang magtanong sa kanya.
Dahil ginagawa lamang ng media ang kanilang tungkulin, wala silang opsyon kundi panoorin ang interview ni Duterte habang ineere sa PTV-4.
Sa nakalipas na mga pangulo ng bansa, hindi naman bago ang mga mamamahayag sa kanya-kanyang istilo ng mga naging pangulo ng bansa.
Noong panunungkulan ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, istilo naman niya ang hindi rin magpa-ambush interview o kaya naman ay magpapress conference kayat hindi na rin bago ang media sa ginagawa ni Duterte.
Ang kaibahan nga lang ni GMA at Duterte, welcome ang media na dumalo sa lahat ng kanyang aktibidad, bawal lamang ang ambush interview.
Kung may ihahayag naman siya, RTVM (ang opisyal na nagdodokumento ng mga aktibidad ng isang pangulo) lamang ang pinapayagang mag-cover kung hindi invited ang iba pang miyembro ng media.
Ang estilo naman ni dating pangulong Aquino ay kung may mga malalaking anunsiyo gaya ng ginawa ni Duterte noong Huwebes, pinapayagang mag-cover ang media at depende sa kanya kung magpapaunlak ng panayam o kung hindi, iiwan niya ang mga tagapagsalita para sumagot ng mga tanong.
Sa kaso ni Duterte, pinapayagan niya na ang tanging reporter lamang ng PTV-4 na magtanong at tanging mag-cover ng kanyang iaanunsiyo.
Sa ginagawa ni Duterte, pinaninindigan lamang niya ang kanyang desisyon na bawal na siyang kapanayamin ng media kayat ang termino nga ng iba, binoboycott niya ang media.
Nangyari ito dahil nga sa mga batikos na kanyang nakuha dahil sa mga hindi magandang mga salita na lumalabas noon sa kanyang bibig.
Pero dahil propesyunal ang media, kino-cover pa rin siya dahil nga trabaho lang walang personalan.
Dahil inaasahan na rin ng Malacañang ang hindi magandang relasyon ni Duterte sa media, plano nitong magtayo ng sariling tabloid at gagawing nationwide ang lingguhang programa sa radyo ng Pangulo sa Davao City.
Kung ang lahat ng mga hakbang na ito ng Malacañang ay para unahan na ang media sakaling i-boycott si Duterte, tiyak ko namang hindi naman mangyayari ang takot ng Palasyo.
Ginagawa lamang ng media ang trabaho nito sa pagsubaybay kay Duterte kahit gaano pa ito makipagmatigasan sa mga mamamahayag.
Makakatiyak si Duterte na sobra-sobra pa rin ang exposure niya sa media kahit pa may self-impose boycott siya laban sa mga mamamahayag.
Ang nawala lang sa pagitan ni Duterte at ng media sa umpisa pa lamang ay ang maayos na relasyon ng isang pangulo ng bansa at ng mga mamamahayag.
Maliwanag na sa paggawa ni Duterte sa kanyang tungkulin bilang pangulo, ginagawa rin ng media ang tungkulin naman nito na ihatid sa publiko ang lahat ng impormasyon bilang mamamahayag at hindi lamang nakadepende sa kung ano ang ilalabas ng gobyerno.
Anim na taon na panunungkulan ni Duterte ay mangangahulugan na anim na taon na pagko-cover din ng media sa kanya.
Pero dahil anim na taon lamang si Duterte, kagaya ng ibang naging pangulo ng bansa, matatapos din ang kanyang termino, pero ang media, nandiyan pa rin at handang i-cover ang susunod na magiging pangulo ng bansa.
Sa pakikipagmatigasan ni Duterte sa media, sino nga ba ang talo sa bandang huli?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.