NAGPARAMDAM na ng tunay na angas itong si Pangulong Rodrigo Duterte nang ibandera niya ang pangalan ng limang heneral ng Philippine National Police na diumano’y sangkot sa operasyon o protector ng ilegal na droga sa bansa.
Ginulat ni Duterte ang sambayanan nang buong tapang niyang pangalanan ang lima sa pinakamatataas na pinuno ng Pambansanng Pulisya, bagamat dalawa rito ay pawang mga retirado na.
Tila hindi man lang yata kumurap ang mga mata ng pangulo nang banggitin niya ang mga pangalan nina dating National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Joel Pagdilao, Western Visayas Regional Director Chief Supt. Bernardo Diaz, dating Quezon City Police District (QCPD) Director Edgardo Tinio, dating Chief Supt. Vicente Loot at dating PNP Deputy Chief for Administration Generoso Marcelo Garbo.
Matapos ang pagkakahayag ng kanilang mga pangalan, dali-dali namang nagsisagot ang mga opisyal na ito, para ano pa nga ba, kundi ang itanggi ang anumang pagkakadawit nila sa anumang operasyon ng ilegal na droga, na siyang sentro o pokus ng laban ng administrasyong Duterte.
Imbestigasyon ang kinakaharap ng mga nasabing heneral. Nasa mga opisyal na ito kung paano lulusutan ang akusasyon laban sa kanila, habang nasa mga tao naman ni Duterte kung paano paninindigan o patutunayan ang kanilang sadyang napakabigat na paratang.
Magkakasubukan na nga talaga ngayon kung gaano katatag ang administrasyong Duterte sa pakikibaka laban sa droga. Dito malalaman kung may tibay nga ba ang kanyang mga paratang, titindig ba ang mga ito sa sandaling nadala sa korte? O, baka ampaw na alegasyon lamang ang mga ito at sa dakong huli ay mauuwi lang sa wala.
Pero sa ngayon ay hindi roon nakatuon ang pansin ng taumbayan. Nakasentro sila sa kung sino pang mga malalaking tao sa gobyerno ang babagsakan ng “bomba” ni Duterte. Ayaw na nila ng mga balita ng pagtimbuwang at pagkakaaresto ng pawang mga pipitsuging tulak at user sa squatters area. Ang inaasahan nila ay mga bigtime naman ang lipulin ng administrasyong Duterte – yung mga taong mapepera, may pa-ngalan at may impluwensiya.
Ngayong maigiting ang kampanya ni Duterte na linisin ang hanay ng kapulisan at kasundaluhan mula sa droga o sa mas malaking problema, ang narco-politics, sino kayang mas bigatin o malalaking tao ang kaya pa niyang pangalanan?
Oo nga’t co-equal body ng Malacanang ang legislative at judiciary, kaya kaya niyang banggain ang mga malalaking tao mula sa Senado, Kamara at maging sa hudikatura. Mapapangalanan kaya niya ang mga tao rito na sangkot sa droga?
At paano naman yung mga lulon sa ilegal na droga? Kaya bang ikumpas ni Duterte ang kanyang mga kamay para ang mga bigtime na mga tao sa Kamara, Senado at sa judiciary ay sumailalim hindi lang sa random kundi sa mandatory drug test? Kaya nga ba niya?
Sana nga, mga bigtime naman!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.