Alden, Maine pinaligaya ang AlDub fan na may sakit sa baga at cerebral palsy | Bandera

Alden, Maine pinaligaya ang AlDub fan na may sakit sa baga at cerebral palsy

Ervin Santiago - June 27, 2016 - 05:45 PM
aldub PINAGBIGYAN nina Alden Richards at Maine Mendoza ang isa nilang avid fan na naka-confine ngayon sa Philippine Children’s Medical Center sa Quezon City – si Jhommel Molina na bukod sa cerebral palsy ay may lung cancer din. Mismong ang ama niyang si Rommel ang sumulat sa at Eat Bulaga sa pamamagitan ng kanyang Facebook account para hilingin kung maaaring bisitahin nina Alden at Maine ang kanyang anak bilang birthday gift niya rito. Awang-awa na raw kasi si Rommel sa kalagayan ni Jhommel kaya naisipan niya na pasayahin ang bata para kahit paano’y mabawasan ang hirap na dinaranas nito dahil sa kanyang karamdaman. Hindi naman binigo nina Maine at Alden ang kahilingan ni Tatay Rommel, personal nilang dinalaw si Jhommel sa ospital at nakipag-piktyuran pa sa mag-ama. Niregaluhan pa ng AlDub ang bata ng isang teddy bear, basket ng prutas at magazine na may autograph kung saan sila ang nasa cover.
Abot-langit ang pasasalamat ng tatay ni Jhommel sa magka-loveteam sa pagdalaw ng mga ito sa kanyang anak. Anito sa kanyang FB post, “Wala pong katumbas na kaligayahan ang naibigay nyo sa aking iisang anak. Alam kung super busy kayo pero naisinggit nyo ang pagdalaw sa aking anak. “Kami po ng aking asawa ay lubos na nagpapasalamat at napaunyakan nyo ang aming munting hiling…more power sa Eat Bulaga! Kay Alden Richards at Maine Mendoza sana marami pa kayong mapasaya at matulungan! God Bless! Thank you!” Narito naman ang kabuuan ng sulat ni Rommel sa noontime show ng GMA 7 na ipinaabot naman ng AlDub Nation sa managament ng EB: “Dear Eat Bulaga, Ako po si Rommel Molina, isang masugid na tagahanga ng inyong programa simula pa noong bata pa ako. Wala po kaming pinalagpas ng tanghalian na hindi kami nakatutok sa Eat Bulaga habang nasa hapag kainan. Tinuturing na po naming isang tradisyon ang manood sa inyo tuwing tanghalian lalo na po ang mga nakakaiyak na palabas ninyo tuwing mahal na araw. Nang ako po ay mag asawa ay naging kaugalian na din ng misis ko, biyenan ko at anak ko ang manood sa inyo. Naipasa ko po sa kanilang lahat ang aking hilig sa panonood ng inyong programa habang ako ay nasa trabaho. “Isa po sa pinaka natutuwa tuwing nanonood ng Eat Bulaga ay ang aking anak na si Jhommel. Siya po ay labing anim na taong gulang na dalagita. Masayahin at malambing po ang aking anak. Palagi po siyang nanonood kasama nang kanyang Lola. Siya po ang natatanging kayamanan naming mag asawa kaya po kami ay natutuwa dahil sa simpleng panonood niya sa inyo ay naibibigay namin ang saya at ligaya na alam naming nararapat para sa kanya. “Isa po siya sa masugid na tagahanga ni Maine Mendoza at Alden Richards. Isa po siya sa mga tumitili at kinikilig sa kanilang tambalan na Aldub sa Kalyeserye. Sabi pa nga po niya ay idol niya si Ate Maine at crush niya si Kuya Alden. Hindi nawawala ang kanyang ngiti sa tuwing nakikita nya ang mga ito sa TV. At sobrang lakas naman ang kanyang tawa kapag nagkukulitan ang mga Lolas. Para po sa kanya ang panonood ng Eat Bulaga ay naging parte na ng kanyang tanghalian sa araw araw. “Subalit po ngayong mga nakaraang araw at linggo ay natigil po ang kanyang pagsubaybay sa inyo dahil po sa kanyang karamdaman. Simula po ng May 20, 2016 ay nakaconfine po siya sa ospital dahil sa kumplikasyon sa kanyang baga. Nakailang operasyon na din siya para mawala ang tubig sa kanyang baga ngunit dahil sa kumplikasyon na kanyang tinamo ay nagkaroon na din po ng bukol malapit sa kanyang puso. Kakatapos lamang ng kanyang chemo therapy at kami ay natutuwa dahil talagang lumalaban ang aming anak sa kabila ng hirap na kanyang pinagdadaanan. Si Jhommel po ay may isa sa mga batang may Cerebral Palsy at kasalukuyang dumedepende sa respirator sa ICU ng Philippine Children’s Medical Center para sa kanyang paghinga. “Nalulungkot po ang aking anak dahil ang dami na daw po niyang hindi alam at nasubaybayan sa Kalyeserye. Kaya po hindi ko din maiwasan ang maluha dahil sigurado akong pag nalaman niyang may bagong pelikula sina Alden at Maine ay mawawasak ang kanyang puso dahil hindi niya ito mapapanood. Bawal po kasi ang tv sa ICU kaya kahit gustuhin man naming makapanood siya ng Eat Bulaga ay hindi din maaari. Kaya pinipilit din po namin na iwasan na mapagusapan ang Eat Bulaga. “Sumulat po ako sa inyo bilang isang ama na nagmamahal ng lubusan sa kanyang anak. Kay Bossing Vic, Tito Sen, at Henyo Master Joey nakikiusap po ako na sana po matulungan nyo po ako sa maliit na hiling ko na mapakiusapan sina Alden at Maine na madalaw nila ang aking anak. Alam ko pong labis na abala sila sa kanilang mga trabaho at naiintindihan ko po na hindi po madali para sa kanila ang magkaroon ng libreng oras. Gusto ko lang po sanang mapaligaya ang anak ko kahit sandali lalo na po at nalalapit na ang kanyang kaarawan. Alam ko pong labis na matutuwa ang anak ko kung makikita niyang dinalaw siya ng kanyang crush at idol. Sana po ay mabigyan pansin po ang liham kong ito at ngayon pa lang po ay gusto ko na pong magpasalamat sa inyong lahat. Hindi man po ninyo mapagbigyan ang aking kahilingan ay lubos pa din po akong nagpapasalamat sa oras na nilaan po ninyo na basahin ang liham ko. “More Power po sa Eat Bulaga and God Bless po sa inyong lahat.”

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending