Gilas pinataob ang China sa iskor na 72-69
Dennis Christian Hilanga - June 27, 2016 - 02:23 PM
TINALO ng Gilas Pilipinas ang powerhouse China, 72-69, sa pagtatapos ng four-nation pocket tourney sa The Paladozza, Bologna Italy Lunes ng umaga (Manila time) bilang paghahanda sa nalalapit na FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Humataw si Terrence Romeo ng 18 points, 11 sa fourth quarter kasama ang dalawang krusyal na three-pointer habang nagposte naman ng double-double si Andray Blatche sa kanyang 14 markers at 12 rebounds at may pinagsamang 19 points sina Jeff Chan at Jayson Castro upang positibong tapusin ng pambansang koponan ang tuneup games sa Europa.
Mistulang paghihiganti na rin ito ng Gilas sa mas malaking Rio Olympics-bound Chinese team na umagaw sa pangarap na gintong medalya ng bansa sa FIBA Asia Championship finals noong nakaraang taon.
Hindi naman naglaro para sa China ang kanilang ace players na sina veteran Yi Jianlian at NBA-bound Zhou Qi, ang 43rd pick ng Houston Rockets sa secound round ng 2016 NBA Draft.
Galing ang Tab Baldwin-mentored squad sa tambakang pagkatalo sa Italy kahapon, 106-70, at sa Turkey 103-68 noong nakaraang Linggo.
Lilipad na pabalik ng Maynila ang Gilas matapos ang dalawang linggong ensayo sa Europa upang mas paigtingin pa ang paghahanda sa Olympic qualifier at muling haharapin ang Turkey sa Biyernes, July 1 sa Mall of Asia Arena.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending