Magic ng tambalang ElNella epektib sa Born For You
PATOK na patok agad sa mga manonood ang pag-uumpisa ng kuwento nina Sam (Janella Salvador) at Kevin (Elmo Magalona) kaya naman agad na humataw sa ratings ang pilot episode ng pinakabagong primetime series ng ABS-CBN na Born For You noong Lunes (June 20).
Agad na ipinakita ng seryeng pinagbibidahan nina Janella at Elmo ang lakas nito sa primetime at nagtala ng national TV rating na 17.1%, kumpara sa mga katapat nitong palabas, ayon sa datos ng Kantar Media.
Hindi rin nakapagpigil ang netizens na iparamdam ang kanilang pagkasabik para sa bagong serye ng tambalang ElNella kung kaya naman nag-trend worldwide sa Twitter ang official hashtag ng teleserye na #BFYTheRedString.
Sa unang episode ng teleserye, nakilala ng mga manonood ang masayang pamilya ni Sam kasama ang kanyang mga magulang na sina Cathy (Vina Morales) at Buddy (Bernard Palanca).
Ngunit napuno ng kalungkutan ang lahat sa biglaang pagpanaw ng kanilang padre de pamilya matapos nitong habulin si Marge (Ayen Munji-Laurel), ang ina ni Kevin at asawa ni Mike (Ariel Rivera), upang bawiin ang kantang Born For You na kanyang isinulat para sa kanyang asawa.
Nagkita na rin ang mga karakter nina Elmo at Janella sa Japan at muli ngang nagkrus ang kanilang landas nang mag-shoot ng MTV ang binata at kuning interpreter ng mommy niya si Janella. Ano nga bang kinabukasan ang naghihintay para kina Cathy at Sam? Malaman pa kaya nila ang totoong kadahilanan ng pagkamatay ni Buddy?
Sa huling episode ng serye noong Biyernes narinig muli ni Sam ang awitin ng kanyang ama – na kinanta nga ni Kevin sa isang show nito sa Japan. Ito na nga ba ang simula ng pagbabago sa buhay ng dalawang itinadhana ng red string? Huwag palampasin ang teleseryeng magpapatunay na mayroong nakatadhanang tao para sa lahat, ang Born For You, gabi-gabi pagkatapos ng Dolce Amore sa ABS-CBN Primetime Bida.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.