Katapusan na nga ba ni Angelica sa Ang Probinsyano ni Coco?
HINDI pa rin patatalo ang kasamaan ngayong nagbabadyang malagay sa peligro ang buhay ni Marta (Angelica Panganiban) sa pagpapatuloy ng kuwento ng Primetime Bida series na FPJ’s Ang Probinsyano.
Matapos isiwalat ang mga importanteng impormasyon tungkol sa malawakang drug trade na kanyang kinabilangan, tiyak na reresbakan si Marta ng kinabibilangang sindikato. Ngayon ngang nasa kamay na ng pulisya si Marta, hindi makapapayag ang kampo nina Tomas (Albert Martinez) na manatiling nabubuhay ang dating drug mule upang maprotektahan ang kanilang iligal na negosyo.
At para makasigurong hindi madiskubre ang pagkakasangkot ng kanilang pamilya, kasapi na rin si Joaquin (Arjo Atayde) sa grupong nag-iimbestiga ng kaso ni Marta. Sa kabila naman ng mga nagbabadyang panganib, determinado naman si Cardo (Coco Martin) na protektahan ang buhay ni Marta at sisiguraduhing mapupuksa niya ang lider ng sindikato.
Ano nga kaya ang kasasapitan ni Marta? Malusutan niya kaya ang kaso o lalong malagay sa panganib ang kanyang buhay? Huwag palampasin ang mga maiinit na eksena sa nangungunang primetime series sa bansa, ang FPJ’s Ang Probinsyano, gabi-gabi pagkatapos ng TV Patrol sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable channel 167).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.