WALANG tigil ang kanselasyon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga lisensiya ng mga recruitment agency na hindi sumusunod sa batas at mga regulasyon nito para sa pangangalap ng mga manggagawa sa ibayong dagat.
Ayon kay Administrator Hans Leo Cacdac ng POEA, pinakahuling tinanggalan ng lisensiya ang Crystal Fallah-Ville International Manpower Services matapos itong magsumite sa POEA ng dalawang visa na may maling impormasyon at isang dokumento na may kwestyunableng pirma ng ahensiya.
Nanindigan naman ang ahensya na “honest mistake” lang daw ang nangyari. Pero hindi nagpatinag si Cacdac sa pagsasabing anumang paliwanag ang gawin ng ahensya ay hindi mababago ang katotohanang may panloloko itong ginawa, hindi lang sa pamahalaan kundi sa OFW. Malinaw na may paglabag iyon sa POEA rules on misrepresentation.
Maraming recruitment agencies ang ganyan ang palusot na kesyo honest mistake ang pagkakamali at kesyo walang intensyong manloko.
Sa una, pwede pang makalusot na honest mistake nga pero kung paulit-ulit na ginagawa ay ibang usapan na iyon.
Dati-rati ay nauuto at nalalagyan ang ilang corrupt officials sa POEA kaya garapalan na nakapanloloko ang maraming ahensya noon.
Pero iba na ngayon, maliban na lamang kung may nagpapanggap na opisyal ng POEA na sasabihing malapit siya kay Cacdac at kayang-kaya niyang ipabago ang mga desisyon nito.
Kung meron kayong kakilalang ganito sa POEA, ‘wag kayong matakot magsumbong. Ipaalam ninyo nang personal ang impormasyon kay Cacdac mismo.
Noong nagsisimula pa lamang ang Bantay OCW, 18 taon na ang nakararaan, may isang recruitment agency na humingi ng tulong sa programa. Ayaw sana naming patulan dahil Bantay OCW nga kami at hindi Bantay Recruitment agency.
Pero nang sabihin ng opisyal ng ahensya na meron opisyal at empleyado ng POEA ang umiipit sa kanila—sampahan nang kung ano-anong kaso dahil hindi umano sila naglalagay—ay nanghimasok na kami.
At nalaman nga namin na walang problema ang ahensya at ginagawan lang sila ng problema. Ngayon, maraming kanselasyon sa mga lisensiya ng ahensya ang nangyayari pero iyon ay dahil meron talagang problema.
Ang iba na kinansela na ang lisensiya ay nagbubukas pa rin pero gamit ang ibang pangalan. Yung iba naman, ihahanap na lamang ng mga ahensiyang pagpapasahan ng kanilang mga aplikante. At iyan ang masinop na tinututukan ng tanggapan ni Cacdac.
Mabuti na lang hindi politiko itong si Cacdac. Iyan ang bentahe pag ang opisyal ng isang government agency ay hindi politiko o namumulitika at walang planong tumakbo.
Hindi nito gagawing hanapbuhay ang kaniyang posisyon upang makapangalap ng campaign fund. Walang arbor-arbor. Focus lamang sa trabaho.
Kung may paglabag, tanggalan ng lisensiya. Kung abusado, disiplinahin, ayon sa isinasaad ng batas. Hindi kasi pupuwedeng paulit-ulit ang honest mistake.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM, Lunes hanggang Biyernes alas 10:30 ng umaga hanggagn alas- 12 ng tanghali. May audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.