Hinarang ng prosekusyon ang hiling ni outgoing Sen. Jinggoy Estrada na siya ang magpanumpa sa tungkulin ng kanyang anak na si Janella na nanalong vice mayor ng San Juan City. Sinabi ng prosekusyon na si Estrada ay nahaharap sa kasong plunder na isang non-bailable offense kaya siya nakakulong at hindi nagagawa ang mga maaaring gawin ng mga walang kasong ganito. “In view of the gravity of the offense, and the recent Resolution of this Honorable Court denying his application for bail after finding the existence of strong evidence of guilt against him, accused Estrada must never be given even a glimpse of window of opportunity for him to evade the charge against him,” saad ng inihaing Opposition ng prosekusyon. Ayon sa prosekusyon, ilang ulit ng ibinasura ng Sandiganbayan Fifth Division ang mga kahilingan ni Estrada na makalabas ng kanyang kulungan gaya ng hiling nito na makapagsimba sa Pinaglabanan Church noong kanyang kaarawan. “Further, to grant his request would unduly create an impression to the public that accused Estrada, being a high-ranking public official, is a favored detainee over and above other similarly situated detainees,” dagdag pa ng prosekusyon. Hiniling ni Estrada na makalabas ng kanyang kulungan sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame sa Hunyo 28 upang panumpain sa tungkulin ang kanyang anak. Gagawin ito sa 409 Shaw Boulevard, Mandaluyong City at hiniling niya na pumunta roon mula alas-8 ng gabi hanggang 2 ng umaga kinabukasan. Magtatapos ang ikalawa at huling termino ni Estrada bilang senador sa Hunyo 30 at nais niya na ang panunumpa ng anak ang maging huling aksyon nito bilang mambabatas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.