BY hook or by crook ay kailangang malipol ang mga tulak sa Pilipinas bago makaupo sa pwesto nang pormal si President-elect Rodrigo Duterte sa Hunyo 30.
Kaya nga walang habas at kaliwa’t kanan ang mga pagsalakay sa mga drug den at pagpatay sa umano’y pusher.
Nitong weekend lamang, ayon sa ulat, ay 18 umano’y tulak ang naitumba sa Laguna, Rizal, Batangas, at Bulacan.
Noong Sabado, pito ang napatay sa Laguna, dalawa sa Rizal at isa sa Bulacan habang noong sumunod na araw ay dalawa muli sa Laguna, tatlo muli sa Rizal at dalawa sa Batangas.
Ilang araw bago ito ay napatay rin sa Las Piñas City ang isang notoryus na drug personality sa Visayas Region at ang kanyang driver.
Mula noong halalan noong Mayo 9 ay aabot na sa 42 ang mga napa-patay na may kaugnayan sa droga.
Sa nasabing bilang, 34 dito ay pusher umano na nasawi sa kamay ng mga otoridad.
Ayon sa NCR Police Office, bago mag-eleksyon noong Mayo ay nasakote na nila ang mahigit 50 porsyento ng kanilang target na mga drug lords at traffickers kaya ang tinatrabaho nila ngayon ay ang mga bagong pangalan sa kanilang listahan.
Sa nasabing panahon ay umabot na sa 17, 000 katao na ang kanilang nalambat. Hindi pa kasama rito ang mga napatay sa “legitimate police operations.”
Kung ikaw ay tulak, dapat kang mapraning dahil hindi pa man umaarangkada sa Kamara ang panukala na ibalik ang bitay sa drug trafficking ay iniisa-isa nang itumba ang tulad mo.
Kung mainit ang pa-ngalan mo, asahan mong naroon ka sa listahan na isinumite ng iyong barangay sa pulisya.
Sa Metro Manila, hawak na ng 38 police stations ang nasabing listahan at sinusuyod na ang kabuuang 1,706 barangay para tugisin ang mga tulad mo.
At alam mo bang may quota na 10 tulak ang bawat police station na kailangang ma-neutralize (pwede ring arestuhin kung hindi ka papalag)?
Sa ayaw mo man o hindi, tiyak na kasama ka sa 380 na tinutugis/minamanmanan na ng mga alagad ng batas.
Kaya kung ikaw ay tulak at binabasa mo ito, kabahan ka na dahil bilang na ang maliligayang araw mo.
Itanong mo pa kay Digong.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.