Negosyante pinatay ng holdaper; halos P3M pinaniniwalaang natangay
John Roson - Bandera June 16, 2016 - 03:52 PM
Nasawi ang isang negosyante habang sugatan ang kapatid nito nang pagbabarilin ng mga holdaper sa Baguio City Miyerkules ng hapon, ayon sa pulisya.
Pinaniniwalaang natangay pa sa nasawi ang halos P3 milyong halaga ng pera na mula sa iba-ibang bansa, ayon sa ulat ng Cordillera regional police.
Ikinasawi ng 65-anyos na si Larry Haya, may-ari ng isang money changer outlet, ang tama ng bala sa ulo’t dibdib. Sugatan naman ang 67-anyos niyang kapatid na si Randolph Haya, na nagtamo ng mga tama ng balang pumasok sa hita at tumagos sa pigi. Naganap ang insidente dakong alas-5:40 sa tapat ng bahay ng magkapatid sa Purok 5, Brgy. Bakakeng Norte. Pauwi si Larry mula sa kanyang establisimyento nang harangin at holdapin ng dalawang lalaki. Nanlaban umano si Larry kaya binaril, at matapos iyo’y natangay ng mga salarin ang kanyang sling bag. Narinig ni Randolph ang komosyon kaya lumabas ng bahay, pero maging siya’y binaril ng mga holdaper, ayon sa ulat. Dinala pa ang dalawa sa Baguio General Hospital, pero idineklarang patay ng mga doktor si Larry. Sinabi naman sa pulisya ng misis ni Larry na ang natangay na sling bag ng mga holdaper ay may lamang US $50,000 o P2,330,000; 10,000 Malaysian ringgit o P112,000; 1,150.00 UK pounds o P76,475; 1,900.00 Euros o P99,370; at P320,000. Mayroon nang saksi na maaaring makatulong sa pagkilala sa mga salarin, ayon sa pulisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending