Arestado ang apat na umano’y mga bounty hunter na naghahanap ng mga drug pusher nang makuhaan ng mga baril, patalim, at bala sa checkpoint sa Guihulngan City, Negros Oriental, kaninang umaga, ayon sa pulisya.
Nadakip sina Jerry Pasolot, 38; Lourence Cadiente, 60; Jeriel Zuniega, 22; at Ronel Cadavid, 28, alas-10:55, sabi ni Senior Supt. Harris Fama, direktor ng Negros Oriental provincial police.
Nakumpiska sa apat ang isang kalibre-.45 pistola at dalawang magazine na may 23 bala, isang kalibre-.9mm revolver, kalibre-.38 revolver, 14-pulgadang kutsilyo, mga dokumento ng kanilang grupo, at sari-saring pekeng ID, ani Fama.
Binabaybay ng apat ang bahagi ng National Highway na sakop ng Sitio Looc, Brgy. Poblacion, lulan ng dalawang motorsiklo, nang maharang sa checkpoint, sabi naman ni Supt. D’Artagnan Katalbas, hepe ng Guihulngan City Police.
Unang pinigil ang apat dahil di sila nakapagpakita ng driver’s license at rehistro para sa mga motor, pero nang inspeksyunin ng mga pulis ang kanilang mga bag ay nakita na ang mga armas, sabi Katalbas nang kapanayamin sa telepono.
Bukod sa mga armas at pekeng ID ng militar, pulisya, at iba pang law-enforcement agency, nasamsam sa apat ang isang “mission order” ng kanilang grupo at mapa ng mga lugar kung saan nila umano mahahanap ang mga target.
“Naghahanap daw sila ng mga drug personality. ‘Yun ang sabi nila sa mga pulis namin. Bounty hunter daw sila,” sabi ni Katalbas sa BANDERA.
“Posibleng gun-for-hire ang mga ito o liquidation squad na nagpapanggap na paramilitary. Buti naagapan ang mga ito at baka may maraming madamay na inosente,” sabi pa police official.
Sangkot din diumano ang apat sa ilang marahas na insidenteng nag-ugat sa awayan sa lupa, ani Katalbas.
Napag-alaman na ang mga nadakip ay nago-operate sa mga bayan ng Ayungon, Mabinay, at Bais City, pati sa ilang bahagi ng unang distrito ng Negros Oriental at San Carlos City, Negros Occidental, sabi naman ni Fama.
Sinusuri ngayon ng mga imbestigador ang mga dokumentong nakumpiska sa mga armado para matukoy at matunton ang kanilang grupo, ani Katalbas. (John Roson)
– end –
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending