Coco kay Aura: Wala namang masama sa pagiging bading!
NABUKING na ni Cardo (Coco Martin) na bading ang anak-anakan niyang si Makmak (McNeal “Aura” Briguela) sa huling episode ng nangungunang primetime series sa bansa na Ang Probinsyano sa ABS-CBN.
Maraming miyembro ng LGBT community ang natuwa sa mga eksena nina Coco at Aura sa serye, lalo na nang sabihin ni Cardo kay Makmak na tinatanggap niya ito kahit ano pa ang kanyang pagkatao. Pero sabi ni “mamang pulis”, disappointed lang siya kay Makmak dahil itinago pa nito sa kanya kung sino talaga siya.
“Nangako ako sa tatay mo na aalagaan kita at ako ang tatayo na pangalawang ama mo. Pero bakit hindi mo ba sinabi sa amin?” ang sabi ni Cardo sa bata. Mangiyak-ngiyak naman si Makmak sa sinabi ni Cardo na nangako pang walang magbabago sa relasyon nila pero kailangan niyang mangako na lagi siyang magiging totoo sa sarili niya at sa mga taong nagmamahal sa kanya.
“Mahal ka namin at itinuturing ka namin bilang isang kapamilya. Kahit ano ka pa, hindi ka namin pababayaan. Mamahalin ka namin kung ano man ang totoong pagkatao mo. Walang masama doon. Hindi masamang maging bakla,” pahayag pa ni Cardo.
Hirit pa ng tinaguriang pambansang pulis, “Makmak, ang importante sa tao ‘yong marunong magmahal, marunong rumespeto, at may takot sa Diyos. At lahat ‘yon nakikita ko sa ‘yo. Kaya wala akong nakikitang masama kung ano man ang pagkatao mo.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.