KAPAG ang mga korte at opisina ng piskal ay natutulog sa pagbigay ng hustisya sa mga biktima ng krimen, para na ring hinayaan nila ang mga biktima o vigilantes na isakamay ang batas.
Kapag ang pulisya at ibang mga alagad ng batas mismo ang naging tagapaglabag ng batas, nagsisimula ang kawalan ng batas o anarchy.
Kapag ang mga lider ng gobiyerno at lipunan ay wala nang pakialam sa nangyayaring kawalan ng paggalang sa batas, lumalabas ang isang lider na gaya ni Rodrigo “Digong” Duterte.
Magsasagawa ng rebolusyon sa bansa si Mano Digong matapos siyang mailuklok bilang Pangulo ng bansa sa June 30.
Magiging madugo ang rebolusyon; dadanak ang dugo ng mga kriminal, drug dealers at abusadong mga pulis sa kalye.
Nguni’t walang dapat ikatakot ang mga taong sumusunod sa batas dahil ang dugo na dadanak ay sa mga masasamang-loob.
Ang mga law-abiding citizens ay mailalayo sa kapahamakan.
Ang dugo na dadanak sa rebolusyon ni Digong ay magsisilbing paglilinis sa mga basura ng lipunan—kidnapper, drug dealer, rapist, mamamatay-tao, mga lubhang corrupt na mga taong-gobiyerno at abusadong alagad ng batas.
Yan ang buod ng one-on-one na pakikipag-usap ko kay Mano Digong sa kanyang tahanan Linggo ng gabi.
Hindi binanggit ni Digong ang mga katagang “rebolusyon” o “madugo” sa isang oras at kalahating pag-uusap naming, pero yan na rin ang parang sinabi niya sa akin.
Sa kanyang pamamahala, sisikapin niyang walang matitirang kriminal o drug dealer.
Siya’y magiging huwaran ng katapatan (honesty) sa gobiyerno kapag siya’y naging Pangulo gaya ng siya’y huwaran bilang mayor ng Davao City .
Shades of Lee Kuan Yew of Singapore.
Maliban sa mga mementos o souvenirs, ang kanyang tahanan sa middle-class subdivision ay kakaunti at simple ang mga furniture.
“Masyado na akong matanda, Mon, para maging corrupt. Aanhin ko naman ang sobrang pera? Hindi na nga tumitindig ng mabilis ito gaya ng dati,” sabi ng tumatawang si Digong habang itinuturo ang kanyang pundilyo.
Hindi ako puwedeng magbigay ng mga detalye sa mga sinabi niya sa akin kung paano niya patitinuin ang gobiyerno at lipunan pinasumpa niya ako na huwag ko munang ibunyag ang mga ito.
Karapatan ng Senado na sitahin si Digong sa kanyang pang-aabuso kapag siya’y naging Pangulo.
Yan ay upang mapanatili ang check and balance sa demokrasyang pamamahala.
Sinabi nina bagong halal na mga senador na sina Ping Lacson, Risa Hontiveros at Leila de Lima na hindi sila mapipigilan ni Duterte na imbestigahan ang mga pang-aabuso ng papasok na administrayon kung meron man.
Mabuti’t meron tayong mga mambabatas na gaya nina Lacson, De Lima at Hontiveros na walang takot na uusisa sa mga kalabisan ng incoming administration.
Pero hindi mangyayari ang kanilang pangamba na aabuso si Digong dahil walang balak siya na maging diktador na gaya ni Pangulong Marcos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.