Umabot sa P13 bilyon halaga ng iligal na droga ang nasabat ng iba-ibang unit ng pulisya mula Enero 2014 hanggang nitong Abril, ayon sa National Police kahapon.
Nasamsam ang naturang halaga ng droga sa 54,886 operasyon, na nagresulta rin sa pagkadakip ng 85,749 drug suspect, sabi ni PNP spokesman Chief Supt. Wilben Mayor.
Isinapubliko ng PNP ang mga tala ng accomplishments nito laban sa iligal na droga ilang araw bago tuluyang manungkulan si President-elect Rodrigo Duterte sa Hunyo 30.
Ayon kay Mayor, ngayong taon lamang, mula Enero hanggang Abril ay 14,689 drug suspect ang nadakip.
Sa 1st Quarter ng 2016, umabot sa 228.7 kilo o P1.065 bilyon halaga ng shabu ang nasamsam sa 18 katao, karamiha’y banyagang Asyano, aniya.
Kabilang sa mga pinakamalaking operasyon ngayong taon ang pagbuwag noong Marso 16 sa isang clandestine shabu laboratory sa Angeles City, kung saan P50 milyon halaga ng kemikal na panggawa ng iligal na droga ang nasabat.
Noong Abril naman, umabot sa 99 kilo o P465 milyon halaga ng shabu ang nasamsam sa tatlong magkakasunod na buy-bust operation sa Metro Manila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending