Enchong sa break-up nila ng dyowa: Inaamin ko, sa akin yung problema!
SI Enchong Dee ang nakipaghiwalay sa kanyang model girlfriend na si Samantha Lewis.
Sa presscon kahapon ng Knowledge Channel kung saan magkakaroon ng sariling programa si Enchong, sinabi nitong maraming dahilan kung bakit nagdesisyon silang magkanya-kanya na muna. “Sabi ko nga siguro karamihan ng factors na ‘yon ay sa akin. Sa akin ‘yung problema, kasama na ‘yung trabaho doon,” paliwanag ng binata.
Pero aniya, kahit naghiwalay na sila ay nananatili pa rin silang magkaibigan at patuloy na nagkakausap, “Hindi mo naman pwedeng tanggalin basta-basta ang taong minahal mo, kahit paano nandu’n pa rin ‘yung feelings.” Dagdag ng aktor-TV host, plano nang bumalik ni Samantha sa United Kingdom.
Siniguro naman ni Enchong na unti-unti na siyang nakaka-move on sa break-up nila ni Samantha at nagpapasalamat siya na sunud-sunod ang proyekto niya ngayon kaya bisi-bisihan na uli siya. Halos ilang buwan ding napahinga ang binata at hindi napanood sa TV o pelikula.
Pero ngayon nga, bukod sa natapos niyang pelikula na “I Love You to Death” with Kiray Celis under Regal Entertainment, meron din siyang bagong album at teleserye. Bukod pa riyan ang kanyang bagong educational show, ang AgriCOOLTure na mapapanood na sa Knowledge Channel simula sa July 19.
Ito’y bilang bahagi na rin ng ika-17 taon anibersaryo ng Knowledge Channel na katuwang ng mga magulang sa pagpapayaman ng kaalaman ng kanilang mga anak. Bukod sa AgriCOOLTure ni Enchong, nandiyan din ang MathDali na mapapanood na sa June 14 to be hosted by Robin Domingo kasama ang mga Kapamilya teen stars na sina Igi Boy Flores, Vic Robinson III, at ang kambal na sina Joj at Jaj Agpangan na former housemates ng PBB.
Sa AgriCOOLTure ni Enchong, ipakikita ang fish farming, tamang paggamit ng fish equipment at water management, pagpili ay pagpapalaki ng stock, at pag-aani ng pananim sa tulong ng experts. Nakabatay ang anim na episodes nito sa curriculum ng DepEd para sa Grade 9 Technology and Livelihood Education.
Sabi nga ni Enchong, “Kahit nga ako, habang ginagawa namin ang ilang episodes ng AgriCOOLTure, napakarami kong natutunan. Mas na-inspire ako sa farming. And bilang isa ring negosyante, parang gusto ko na ring mag-try sa agri-business. Alam n’yo po kasi, lumaki ako sa poultry farm, meron din kaming babuyan noon. Kaya hindi na rin bago sa akin ang agri-business.”
Sa Mathdali naman, tampok ang ang match concepts sa totoong buhay para maging positibo ang pag-iisip ng mga mag-aaral habang nagpapakadalubhasa sa mathematics. Nakabatay din ang programa sa positive norms, key strategies at classroom approaches ng math education reformists na sina Jo Boaler, Cathy Humprehys at Ruth Parker.
Ayon naman kay Knowledge Channel executive director na si Rina Lopez-Bautista, “Ipinapakita rin sa dalawang bagong shows na ito ang aming tungkulin na lumikha ng magagandang programa na makakatulong sa ating mag-aaral. Layunin namin na mapagyaman ang kaalaman ng bawat mag-aaral na Pinoy.”
Eere ang MathDali sa Mathematics block ng KC for Grade 4 tuwing Martes, Huwebes, Sabado at Linggo (10 a.m. at 1:20 p.m.) habang ang AgriCOOLture ay mapapanood tuwing Martes, Huwebes at Sabado (11:40 a.m. at 4 p.m.). Pinapalabas ang Knowledge Channel sa SKYCable, SKYDirect, Destiny Cable at ABS-CBN TV Plus.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.