Manilyn: Hindi kami naghiwalay ng asawa ko, magkasama pa rin kami sa bahay!
MARIING idinenay ng Kapuso actress na si Manilyn Reynes na naghiwalay sila ng asawang si Aljon Jimenez noong magkaroon daw sila ng matinding away ilang taon na ang nakararaan.
Ayon kay Mane, never silang nag-away nang bonggang-bongga ni Aljon simula nang maging sila. Inamin niyang nagkakaroon sila ng tampuhan at hindi pagkakaunawaan pero never silang naghiwalay due to marital problems.
Ang asawa niya ang tumatayong manager niya ngayon kaya naitanong namin kay Mane nang dumalaw kami sa taping ng GMA Telebabad series na Poor Señorita, kung wala bang balak ang dating aktor na magbalik-showbiz.
“Feeling ko wala pa sa plano niya. Kasi kapag napag-uusapan namin, hindi siya interesado, e. Kasi di ba, kapag talagang hindi ka interested sa isang bagay, kahit pilitin ka aayawan mo. Siguro hindi pa ngayon, mas gusto niyang wala sa limelight,” paliwanag ng singer-actress.
Samantala, mas gusto ni Manilyn na gumawa ng mga light projects kesa sa heavy drama. Masyado raw kasi siyang napagod sa afternoon teleserye na Destiny Rose kung saan palagi siyang umiiyak. “Naku, walang eksena na hindi ako umiiyak doon. Masyado akong na-drain sa teleserye na yun, physically and emotionally, kaya kapag pack-up na, pagod na pagod ako. Before Destiny Rose, ginawa ko yung Once Upon A Kiss na puro iyakan din,” ani M anilyn.
“This time, iwas muna ako sa mga mabibigat na roles at gusto ko naman ng light, yung magpatawa naman ako. Kaya tamang-tama lang nung dumating itong role sa Poor Señorita. “Though may ginagawa naman ako na comedy series na Pepito Manaloto with Michael V., iba itong ibinigay na character sa akin sa Poor Señorita. Enjoy na enjoy ako kasi karakter na karakter siya,” chika pa ng Kapuso actress.
Gumaganap si Mane sa Poor Señorita bilang si Ligaya de Beauvoir, na pinagtrabahuan ni Regine Velasquez bilang si Rita Villon noong magkaroon siya ng amnesia. Sey nga ng aktres, looking forward siya lagi sa mga eksena nila ng Asia’s Songbird dahil ang saya-saya lagi nila sa set.
“Ang saya lang, lalo na kapag may eksena na kaming dalawa. Natatawa si Regine sa mga outfits ko sa show. Kasi nga over-the-top, pa-Ingles-Ingles pa ako na mali. Kapag natatawa siya, hindi niya napipigilan talaga,” ani Mane.
“It’s my chance to work with Regine, never pa kasi kaming nagkatrabaho sa isang teleserye. Nagkakasama lang kami noon kapag kantahan lang tulad noon sa S.O.P., Party Pilipinas, Sunday All Stars, pero never pa sa isang teleserye talaga.
“Kaya nakaka-excite kasi first time, e, tapos nagkakakuwentuhan pa kaming dalawa during break time sa set,” chika pa niya. Kung matatandaan, na-link din noon si Manilyn sa asawa ni Regine na si Ogie Alcasid, pero hindi raw nila napag-uusapan ang mga nakaraan. “We talk about our kids, kuwentong nanay lang talaga.
“Hindi na namin pinag-uusapan ang mga nakaraan, lumang-luma na ‘yon, hindi na kailangan mag-throwback pa. Ang pinaka-throwback namin ay yung time na nagkakasama kami noon sa mga shows ng Coca-Cola Star Force back in the ‘80s.
“Madalas kaming mag-duet noon, mga dalaga pa kam. What’s nice now is we both have happy and healthy families. Yun ang pinakamasayang part ng pag-uusap namin ni Regine kasi nagkukuwento siya about Nate tapos ako about my three boys. “Hindi nga makapaniwala si Regine na nakatatlong anak ako na puro lalaki. Siya raw kasi, isa pa lang pero parang hirap na hirap na siya!” tawa pa ng tawang sey ni Mane.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

