MAAARI nang lumahok ang mga professional boxers sa Olympics sa Rio de Janeiro kung sila ay magka-qualify.
Halos nagkakaisang bumoto kahapon ang International Boxing Association (AIBA), ang governing body ng boxing, na payagan ang sinumang boksingero na tatangkaing mag-qualify sa susunod na buwan sa Rio Olympics at mapabiling sa kanilang national team. Subalit ang planong ito ng AIBA ay tinuligsa ng ilang nasa propesyonal na ranggo dahil sa panganib na maihahatid nito kapag nagkaharap ang isang subok na pro boxer laban sa kulang sa karanasan na amateur boxer.
“At the moment it is difficult to anticipate (how many), but there will be some who want to get qualification,” sabi ni AIBA President CK Wu matapos ang isang special meeting ng member federations.
Bagamat ang kareretirong Pinoy boxing icon na si Manny Pacquiao ay inaasahan sana na magiging superstar attraction sa Rio, nagdesisyon ito noong nakaraang linggo na tututok na lamang sa kanyang political career matapos na mahalal bilang senador noong nakaraang Mayo 9.
Mula sa 88 pederasyon na tumungo sa Lausanne, Switzerland para sa isang single-issue meeting, 84 ang pumayag sa nasabing rule change wala pang 10 linggo bago ang unang bakbakan sa Rio. Ang apat na iba pang miyembro ay hindi naman bumoto ayon sa AIBA.
May kabuuang 26 puwesto ang puwedeng makuha sa Olympic qualifying tournament sa Venezuela sa susunod na buwan ayon sa AIBA.
Patuloy namang itinutulak ni Wu na palawakin ang impluwensiya ng AIBA sa professional boxing at pinayagan ng ilang batas na pumapayag sa mga binabayarang boksingero na lumahok sa Olympics.
Noong 2013 ay pinayagan na lumahok sa Rio ang mga boksingero na nakapirma sa mga propesyunal na torneo na hawak ng AIBA.
Hindi naman naging malinaw kung ilang mga propesyonal na boksingero ang posibleng lumahok sa Olympic tournament kung saan kinakailangan mong sumabak ng limang beses sa halos dalawang linggo at ito ay walang bayad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.