Golden State Warriors nakapuwersa ng Game 7 sa West Finals
OKLAHOMA CITY — Nagtala si Golden State swingman Klay Thompson ng playoff-record 11 3-pointers at umiskor ng 41 puntos para sa Warriors na naitakas ang must-win game kahapon sa Oklahoma City, 108-101, at ihatid ang NBA Western Conference finals sa Game 7.
Kumana naman si Stephen Curry ng 29 puntos, 10 rebounds at siyam na assists.
Ang Warriors, na nagtala ng league regular-season record na 73 panalo, ay magho-host ng Game 7 bukas. Ang magwawagi sa pagitan ng Golden State at Oklahoma City ang makakaharap ng Cleveland Cavaliers sa NBA Finals.
“We’ve got a lot of belief and a lot of heart, and we’ve given ourselves a chance to win this series,” sabi ni Curry. “That’s all we could ask for. There’s obviously a lot of excitement, but we still have one job to do.”
Kumamada si Thompson ng 19 puntos sa ikaapat na yugto para tulungan ang Warriors na pawiin ang walong puntos na paghahabol.
“Steph told me before I went out in the fourth, ‘This is your time,”’ sabi ni Thompson. “‘You know, put on a show out there and have fun.’ I took those words to heart, and I just tried to be aggressive.”
Ang Warriors ay hindi nagwagi sa naunang dalawang laro ng serye sa Oklahoma City subalit nagawang magdomina sa 3-point area sa Game 6 kung saan nagbuslo sila ng 21 of 44 3-pointers habang ang Thunder ay tumira lamang ng 3 of 23.
“About time we had a stretch in this building where we imposed our will,” sabi pa ni Curry.
Gumawa si Kevin Durant ng 29 puntos habang si Russell Westbrook ay nag-ambag ng 28 puntos para sa Thunder. Subalit si Durant ay bumira lamang ng 10 of 31 shots habang si Westbrook ay bumitaw ng 10 of 27.
Hangad na maging ika-10th koponan na nakabangon buhat sa 3-1 deficit, ang Warriors ay naghabol sa halos kabuuan ng laro at napag-iwanan ng walong puntos papasok sa ikaapat na yugto.
Ang apat na 3-pointers ni Thompson ang nagpalapit sa kanila sa unang bahagi ng huling yugto. Sinundan ito ni Curry ng dalawang 3-pointers, kung saan ang ikalawa niyang tres ang nagpatabla sa laro, 99-99, may 2:47 ang nalalabi sa laro.
Ang 3-pointer ni Thompson may 1:35 ang nalalabi ang nagbigay sa Warriors ng kalamangan, 104-101.
Ang Thunder, na sinayang ang ilang kalamangan sa ikaapat na yugto sa regular season, ay bumigay sa mga huling minuto matapos na tuluyang makalamang ang Golden State.
“That really wasn’t — hasn’t been us in the last month and a half,” sabi ni Thunder coach Billy Donovan. “We got a little stagnant coming down the stretch.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.