Operasyon sa ulo ni Richard Pinlac di pinayagan ng ina
PALAGI kaming magkausap ngayon ng aming kaibigan-anak-anakang si Jobert Sucaldito. Kung dati’y puro kababawang kuwento lang at halakhakan ang namamagitan sa amin, ngayon ay puro pagbuntong-hininga ang aming ginagawa, nasa kritikal pa rin kasing kundisyon ang aming kasama-kaibigang si Richard Pinlac.
Sa pinakahuling CT scan ni Richard (ikatlo na ngayon ito) ay nakita ng kanyang mga doktor na hindi pa rin lumiliit ang blood clot sa kaliwang brain niya. Hindi nabawasan kundi namaga pa nga. At dahil sa sobrang pamamaga, ayon sa kanyang mga doktor ay kailangan niyang sumailalim sa operasyon para maisalba ang kanyang buhay, napakahirap ng pinagdadaanan ni Richard.
Nakausap na namin si Mommy Yolly, ang kanyang ina, nang tanungin ito ng head surgeon kung papayag ba ang pamilya na operahan sa ulo si Richard ay puro hagulgol lang ang kanyang naisagot. “Wala raw naman palang guarantee, kaya sabi ko, huwag na lang. Kung talagang para sa amin si Bong, pagagalingin siya ng Panginoon. Kung talagang kailangan na niyang umalis, napakasakit man, e, kailangan naming tanggapin ang katotohanan,” umiiyak na sabi ng ina ni Richard.
Nakikipagtawagan na lang ngayon si Jobert sa ina ng aming kaibigan, umiiwas na ito sa pagdalaw sa ICU, hindi kinakaya ni Jobert na makita ang sitwasyon ngayon ng aming kaibigan. Patuloy ang pagdating ng tulong na pampinansiyal sa pamilya ni Richard mula sa mga mahal niyang kaibigan, palagi siyang laman ng dasal ng mga kaibigan namin, lalo na ang mga regulars ng CFM na
miss na miss na siya sa radyo.
Hindi pa rin kami bumibitiw sa pag-asang isang araw ay bubuti rin ang kalagayan ng aming kaibigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.