Richard Pinlac comatose pa rin; mga kaibigan nag-alay ng dasal
HANGGANG ngayon ay nakikipaglaban pa rin sa kanyang buhay ang kasamahan namin sa panulat-anak-anakan at co-host sa radyo na si Richard Pinlac. Ang kapatid na si Jobert Sucaldito ang nagsugod kay Richard sa ospital, nakita siyang namimilipit sa sakit ng tiyan ng isang babae, kaya agaran siyang dinala sa Delgado Hospital ni Jobert.
Pero kinailangan nilang ilipat si Richard sa Capitol Medical Center para sa mga prosesong kailangang gawin sa kanya, nag-shoot-up ang kanyang dugo, 250/120. Stroke ang dahilan ng pinagdadaanan niya ngayon. Nasa ICU ng Capitol Medical Center si Richard ngayon, sala-salabit ang mga tubo sa buong katawan, wala pa rin siyang malay at idineklarang comatose.
Napakaraming nag-alay ng panalangin para kay Richard, ang aming radio program nu’ng Martes nang hapon ay tumutok lang sa kanyang sitwasyon, maagang paggaling at paglakas ang hiling ng aming mga regulars at ng mga persona-lidad na nagpaparating na kanilang kalungkutan sa sinapit ng aming kaibigan-anak-anakan.
Wala pa rin siyang malay hanggang ngayon, nilagyan na siya ng tubo para masuplayan ng oxygen ang left brain niya na hindi gumagana, paralisado naman ang buong kanang bahagi ng kanyang katawan. Harinawang malampasan ni Richard Pinlac ang pagsubok na ito, sa lalong madaling panahon sana ay makabawi agad siya, dahil alam namin kung gaano niya kamahal ang kanyang trabaho.
Maraming-maraming salamat po sa lahat ng mga nagpaparating ng kanilang panalangin para sa maagang pagbuti ng kalagayan ni Richard, mula sa pusong salamat po sa mga nagpapadala ng kanilang tulong na pampinansiyal, mara-ming salamat sa mabuting puso n’yo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.