DLSU, IPPC, NU nanalo sa PSC Commissioner’s Baseball Cup
TINURUAN ng leksiyon nang National University at IPPC Hawks ang kani-kanilang kalaban habang ginulantang ng De La Salle University ang karibal na University of Santo Tomas Golden Sox para itala ang importanteng panalo sa ikalawang araw ng 2016 Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner’s Baseball Cup sa Rizal Memorial Baseball Field sa Malate, Maynila.
Tinalo ng 2015 UAAP champ DLSU Green Batters via mercy rule ang UST Golden Sox matapos ang anim na inning sa pagtatala ng 16-1 runs upang itala ang una nitong panalo sa Pool D ng torneo na isinasagawa ng PSC upang madetermina ang mga posibleng manlalaro na bubuo sa pambansang koponan sa sport na baseball.
Agad umiskor ng isang run ang UAAP Season 78 runner-up na DLSU sa first inning bago nito sinundan ng lima sa second at pito sa third inning bago ang panghuling tatlong home runs sa ikaanim na inning upang patatagin ang tsansa sa asam nitong pagtuntong sa kampeonato.
Nagtulong sina DLSU pitcher Vicente Manuel Barandiaran at Arvin Maynard Herrera na limitahan naman sa isang home run lamang ang UST sa ikaanim na inning. May tatlong inning si Barandiaran na nagbigay lamang ng 2 hits at may 3 strikeouts habang si Herrera ay may apat na inning na may 1 hit at 2 strikeouts.
Binigyan naman ng IPPC Hawks na binubuo ng mga dating miyembro ng unang tinanghal na kampeon na Philab ng matinding leksiyon ang magiging representante ng bansa sa Asia Pacific Litlle League Series Juniors division na Vitarich-ILLAM na siyang bumubuo sa Big Daddy’s sa pagtatala ng 23-2 panalo.
“We’re trying to train them and prepare them for a bigger and tougher tournament ahead as they will be competing abroad representing the Philippines,” sabi ni PSC Commissioner’s Cup tournament technical head Randy Dizer.
Nagpamalas naman ng matikas na paglalaro ang koponan ng ILLAM na sasabak sa Senior League Baseball bago ito tuluyang yumukod sa mas beteranong National University Bulldogs sa isa pang abbreviated match, 15-5.
Agad umiskor ng pitong run ang NU sa ikalawang inning na sinundan nito ng tatlo sa ikatlo upang iwan ang ILLAM. Gayunman, sumagot ang ILLAM nang tatlong run sa ikatlong inning subalit napigilan sa tig-isa lamang sa ikaanim at ikapitong inning para sa kabuuang limang runs lamang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.