MARAHIL nga ay may kabuluhan ang pangyayaring nabigyan pa ako ng ikalawang pagkakataon upang ipagpatuloy ang aking paglalakbay sa daigdig na ito. Ikalawa nga ba o ikatlo o ikaapat? Hindi ko na mabilang, e.
Kasi, matapos akong maputulan ng paa noong isang taon ay binilang ko kung ilang beses na akong naililigtas ng Panginoon. Maniniwala ba kayo na hindi bababa sa pitong beses na akong muntik na mabawian ng buhay mula noong bata pa ako. Iyon lang ang naaalala ko.
Pero there is a purpose for everything.
Naisip ko ulit iyan nitong nakaraang Lunes, Mayo 9.
Kasi nga ay dapat na inabot ko na ang end of the line noong Mayo 9, 2015 matapos na hindi ako magising dahil sa bumaba ang blood sugar ko sa 27. Nakatawag lang sa barangay ang misis ko at naisugod ako sa ospital para sa emergency procedure.
Matapos na magkamalay ako ay nagdesisyon na ako na ipaputol ang aking kanang paa. Salamat ulit sa mga tumulong sa akin sa operasyon at sa aking recovery.
Matagal din bago ako muling nakabalik sa pagtatrabaho. Matagal kasi ‘yung pag-iisip ko kung ano ba talaga ang nangyari at ano ba talaga ang dapat kong tahakin. Paano ba ako babalik? Kailangan kasing tanggapin ko na na may kulang sa aking katawan.
Isipin mo iyon! Eksaktong isang taon mula sa araw na muntik akong mamatay ay nakaboto pa ulit ako!
Sa totoo lang, sa ilang diskusyon kasama ang aking mga anak at ilan din kasama ang aking mga kaibigan, nasabi ko sa kanila ang aking pananaw hinggil sa eleksyon.
Sabi ko, hindi ko na ipinaglalaban ang aking kinabukasan sa halalang ito. Hindi na mahalaga kung sino ang aking pipiliin. Ang importante ay ang pipiliin ng mga anak ko.
Kasi nga, muntik na akong mamatay noong isang taon. Kung natuluyan ako, e di hindi na nga ako kasali sa botohan.
Isa pa ay may edad na rin naman ako. Ilang eleksyon na ang aking napagdaanan. Ilang presidente na ang aking naiboto. Hindi naman lahat ng ibinoto ko ay nanalo.
So, kung hindi na kinabukasan ko ang ipinaglalaban ko, e di mabuti pang kung sino talaga ang nais ng mga anak kong maging pangulo ang siyang iboto ko. Kinabukasan naman nila ang nakataya, e. Kinabukasan nila at ng mga anak nila. Hindi kinabukasan ko.
Kailangan nga lang na ipabatid ko rin sa kanila ang aking saloobin. Mahalagang malaman din nila ang aking opinyon. Pero sa dakong huli, sila pa rin ang masusunod. At puwedeng ang kanilang pinili ang siya ko ring iboboto.
Natapos na ang halalan. Mayroon na tayong ika-16 pangulo sa katauhan ni Rodrigo Roa Duterte.
Alam ninyo ba kung bakit “Digong” ang tawag sa kanya? Hindi naman dahil lang sa Rodrigo ang pangalan niya. Ang ibig sabihin kasi ng Digong ay “malaki” or something like that.
Malaking pagbabago ito para sa ating lahat. At masaya ako na makikita ko ang pagbabagong ito. At magiging bahagi ako nito.
Akalain mong umabot pa ako dito!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.