INAKUSAHAN ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang administrasyon ni Pangulong Aquino na dinaraya ang kanyang running mate na si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sinuportahan ni Santiago ang protesta ni Marcos at kinuwestiyon kung paano lumalamang si Robredo gayong ang katandem ang nanguna sa mga survey.
“The roller coaster ride of vice-presidential candidate Ferdinand Marcos, Jr. invites comparison with a garrison state. In such a state, the authoritarian government feels free to manufacture numbers as they are needed,” ani Santiago kahapon.
Ito ang unang pagkakataon na nagsalita si Santiago matapos ang eleksyon noong Lunes.
“I find it astounding that Marcos should have led in the vice-presidential surveys for many months, until the penultimate month, when suddenly the administration could jump up survey results to finally overtake him,” dagdag niya.
Nauna nang inakusahan ni Marcos ang administrasyon na may inihandang Plan B para hindi siya manalo sa pagka-bise presidente.
“This is an eventuality that will cause the peoples of the democratic world to shake their heads and question the values of the society it produced,” ayon pa kay Santiago.
‘Occupy Luneta’
Samantala, nagsama-sama sa Rizal Park sa Maynila ang mga tagasuporta ni Marcos upang iprotesta ang anila’y ginagawang pandaraya sa kanilang idolo.
Ayon sa mga tagasuporta ni Marcos, nakita nila ang panawagan sa Facebook na naghihikayat na sila ay magsama-sama sa Luneta.
Nilinaw nila na hindi sila nagra-rally at nais lamang nilang ipanawagan sa Comelec na gawin ang tamang pagbilang.
Idinagdag nila na tila may “hokus-pokus” na nagaganap sa kasalukuyang bilangan.
Hindi rin umano nila mapaniwalaan si Camarines Sur Rep. Leni Robredo pa ang nangunguna gayong hindi naman ito umano kilala sa buong Pilipinas.
Ayon naman sa Manila Police District, walang permit ang grupo para magsagawa ng aktibidad sa Luneta. —Inquirer, Radyo Inquirer
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.