Aktor-politiko sinisi sa pagkatalo ng nakarelasyong kandidato
SA pagkabigo ng kandidatura ng isang babaeng napakalaki ng nagawang tulong sa pampulitikang ambisyon ng isang panalung-panalong aktor-pulitiko ay maraming masama ang loob sa pangyayari. Matagal silang naging magkarelasyon, meron silang mga anak, matindi ang naging sakripisyo ng babae para sa aktor-pulitiko. Siya ang nakakanlong na armas ng aktor-pulitiko sa halos lahat ng laban nito.
Pero nang pasukin na rin ng babae ang larangan ng ama ng kanyang mga anak ay parang pinabayaan lang siya ng lalaki. Sariling paglangoy ang ginawa ng babae dahil hindi siya kinuha ng partido ng tatay ng kanyang mga anak. Kuwento ng aming source, “Kung tutuusin, e, hindi ang ex niya ang nangnega sa kanya. ‘Yung mga relatives ng lalaki. ‘Yun ang mga nangdedma sa kanya.
“Kahit paano, e, sumuporta sa kanya ang tatay ng mga anak niya, inaalam ng guy ang sitwasyon niya, tumutulong kahit paano sa kanya. Pero iba ang ginawa sa kanya ng mga relatives nu’ng guy. “Mula’t mula naman kasi, e, talagang mainit na sa kanya ang mga ‘yun, parang aagawan sila nang aagawan ng girl. Takot na takot silang magkausap ang dalawa kahit para na lang naman sa mga anak nila ang pinaplano nila.
“Mga isekurida! Matindi ang takot nila dahil baka nga naman mabawasan ang kung anumang meron sila ngayon kapag naging okey ang politician at ang girl!” nakataas ang kilay na kuwento ng aming source. Nabigo ang babae sa kanyang pangarap na makapaglingkod sa kanyang distrito, sayang na sayang na pagkakataon, dahil maganda ang kanyang puso at intensiyon.
“Konting-konti na lang at panalo na sana siya, isang tumbling na lang, pero naunsiyami pa ang pangarap niya. Bradley Guevarra, nakakawala naman talaga ng gana ang ganu’n, di ba?” pagbibigay ng clue ng aming impormante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.