Nanalo ng P44M makakapagpakasal na
Isang 29-anyos na babae na ang pangarap lang ay maikasal sa kanyang kinakasamang jeepney driver, ang nanalo ng P44.2 milyong jackpot prize ng Mega Lotto 6/45.
Ayon kay Atty. Jose Ferdinand Rojas II, general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office, ang nanalo ay mayroong isang anak at walang trabaho. Sila ay nakatira sa Pangasinan.
Siya ang nag-iisang nakakuha ng mga numerong 11-23-33-37-44-45 sa bola noong Abril 29. Nagkakahalaga ng P20 ang kanyang itinaya ng manalo.
Ang nanalo ay tumaya ng lucky pick at noong Enero ng nakaraang taon lamang siya nagsimulang tumaya sa lotto.
Plano niyang bumili ng sariling bahay at lupa at magtabi para sa kanyang mga mahal sa buhay.
Ayon sa nanalo, apat na taon na silang live-in ng kanyang mister.
“Pangarap ko lang po sir, na makasal kami sa simbahan ng asawa ko, para maging legal po ang pagsasama namin. Kaya nagbakasakali po ako sa lotto. Salamat po sir,” saad ng nanalo ng makipagkuwentuhan kay Rojas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.