Richard Gomez may bagong career; waging mayor ng Ormoc City
ORMOC CITY, Leyte— May bagong career ang aktor na si Richard Gomez. Ito ay ang pagiging alkalde ng Ormoc City.
Idineklarang winner si Gomez ng Board of Canvassers alas-4 ng madaling araw Martes matapos siyang makakuha ng 53,234 boto laban sa incumbent mayor na si Edward Codilla na nakakuha naman ng 44,453 boto.
Wagi rin ang misis niyang si Lucy Torres-Gomez bilang kongresista ng ika-4 na distrito ng Leyte.
Ang eleksiyon nitong Lunes ang ika-apat na pagsali ni Gomez, 50, na kilalang multi-awarded actor, model at athlete.
Sa unang tatlong pagsabak sa politika ay natalo si Gomez. Una siyang tumakbo noong 2001 bilang partylist representative ng Mamayan Ayaw Sa Droga (MAD) pero idiniskwalipika ng Korte Suprema ang grupo.
Sumubok muli si Gomez noong 2007 bilang senador pero natalo, habang idiniskwalipika naman noong 2010 ng Comelec dahil sa lack of residency, at pinalitan siya ng kanyang misis na si Lucy, na nanalo naman.
Natalo rin si Gomez noong 2013 nang tumakbo siya sa pagka-alkalde laban kay Codilla, na ngayon ay kanya namang binawian.
Tumakbo si Gomez sa ilalim ng National People’s Coalition (NPC) at inendorso ni Davao Mayor Rodrigo Duterte. Samantala, ang misis niya ay tumakbo naman sa ilalim ng Liberal Party.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.