Jinggoy makakaboto, pero hindi maiboboto ang anak
Pinayagan ng Sandiganbayan Fifth Division si Sen. Jinggoy Estrada na makalabas ng kanyang kulungan sa Lunes upang makaboto siya sa San Juan.
Pero hindi niya maaaring iboto ang kanyang anak na si Janella na tumatakbo sa pagka-bise alkalde.
Ayon sa desisyon ng korte si Estrada ay pinapayagan lamang na bumoto sa national position dahil mayroon umanong Temporary Restraining Order na ipinalabas ang Korte Suprema laban sa pagboto ng mga nakakulong sa lokal na posisyon.
Si Estrada ay pinayagang makalabas ng Philippine National Police Custodial Center sa Quezon City mula 11 ng umaga hanggang 1 ng hapon.
Sinabi ng korte na pinayagan nila na makapunta si Estrada sa Xavier School sa San Juan dahil walang special polling precinct sa PNP Custodial Center.
Pinagbawalan ng korte si Estrada na gumamit ng anumang communication devices. Si Estrada ang gagastos sa kanyang paglabas.
Tinutulan ng prosekusyon ang paglabas ni Estrada.
Ikinonsidera rin ng Sandiganbayan ang desisyon ng SC sa kaso ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo na makaboto sa Lubao, Pampanga.
Hindi naman pinayagan si Estrada na makapunta sa miting de avanci ni Janella sa Pinaglabanan Shrine sa Sabado.
Samantala, pinayagan din ng korte si Estrada na maipasuri ang kanyang balikat sa Cardinal Santos Medical Center sa Mayo 10.
Si Estrada ay nakakulong kaugnay ng pagtanggap umano nito ng P183.7 milyong kickback mula sa mga non government organization ni Janet Lim Napoles kung saan napunta ang kanyang pork barrel fund.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.