ITINANGGI ng Pangasinan PNP na nakarating na sa Dagupan City ang “Davao death squad” — o nagkaroon na ng sariling death squad ang lungsod — matapos patayin ng mga nagpakilalang miyembro ng nasabing grupo ang isang dating pulis-Maynila na nahaharap sa mga kaso ng pagnanakaw. Sa panayam ng Bandera, sinabi Supt. Ferdinand de Asis, tagapagsalita ng Pangasinan provincial police, na posibleng nagpakilala lang ang mga pumatay bilang miyembro ng death squad para lituhin ang imbestigasyon. Ibinigay ni De Asis ang pahayag nang tanungin tungkol sa pagpatay kay Jovenol Bigtas sa Sitio China, Brgy. Bonuan Binloc, Miyerkules ng gabi. Lumabas sa imbestigasyon na unang binaril si Bigtas ng isang lalaking naka-motorsiklo at nang mapahandusay ay muling pinagbabaril ng iba pang taong sakay ng dalawa pang motor. Matapos ang insidente’y natagpuan ng mga pulis sa crime scene ang apat na basyo’t dalawang slug ng kalibre-.45 pistola, at ang bangkay ni Bigtas na may nakasabit na kalatas na nagsasabing: “Wag tularan. Carnapper, magnanakaw. Brought to you by DDS.” Sa ulat ng pulisya, sinasabi na ang 30-anyos na si Bigtas ay isang dating pulis na natalaga sa Metro Manila at may kasong carnapping sa Mapandan, kasong theft sa Dagupan City, at itinuturing na “person of interest” sa Mangaldan. Ang “DDS” naman ay kilalang pagdadaglat ng Davao death squad na naging notoryus sa Davao City noong dekada 90. “Davao death squad, hindi ‘yan, baka Dagupan death squad maniwala pa ‘ko,” pabirong sabi ni De Asis sa Bandera. Ayon sa police official, maraming nakakaalam sa DDS dahil sa mga balita kaya posibleng ginamit lang ito ng mga killer para lituhin ang mga nag-iimbestiga. “Alam nyo naman may mga taong galit sa magnanakaw, galit sa droga… Baka nga nagka-onsehan pa ‘yan nung mga kasama niya, ‘yung [anggulong] death squad hindi ‘yan,” ani De Asis. Pero sa pagsasaliksik ng Bandera, napag-alaman na hindi si Bigtas ang uanang pinatay ng mga nagpakilalang “DDS” sa Dagupan. Noong Disyembre 23, 2015, ilang araw bago mag-Pasko, isang lalaki ang natagpuang patay, nakagapos, may mga tanda ng pananakal, at may tatlong pakong nakabaon sa ulo, sa tapat ng St. Michael Subdivision, Blue Beach, Brgy. Bonuan Gueset. Kinakitaan din ang lalaki ng kalatas, na may mga kataga namang: “Magnanakaw, holdaper, akyat bahay at tulak. Magnanakaw ako sa subdivision. Pamaskong handog ng DDS.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.